Itinaas ng Office of Civil Defense (OCD) ang “Blue Alert” sa ilang lugar sa Pilipinas bilang pag-iingat sa mga posibleng panganib na dala ng bagyong “Inday” kasabay ng Habagat.
Saad ng OCD, kasama sa mga rehiyong mayroon nang Blue Alert status ay ang Metro Manila, Western Visayas, Cagayan Valley, at MIMAROPA.
Batay sa 11:00 AM tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bagama’t bahagyang humina ang bagyong Inday bilang “typhoon” mula sa pagiging “super typhoon,” patuloy itong gumagalaw pahilagang-kanluran o northwestward sa Philippine Sea.
Sa paggalaw na ito, ang mata ng bagyong Inday ay inaasahang nasa 865 kilometro, silangan ng hilagang Luzon.
Bilang pag-iingat, nagbaba ng memorandum si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes sa shopping mall operators sa buong Luzon upang magbukas ng kanilang parking space para sa overnight parking simula mamayang gabi ngayong Huwebes, Hulyo 9.
Upang maprotektahan ng publiko ang kanilang mga sasakyan mula sa baha at pinsalang inaasahang dala ng bagyong Inday at Habagat.
Dahil dito, narito ang listahan ng mga mall na magbubukas na ng kanilang “free overnight parking” para sa publiko:
1. SM Supermalls
2. Robinsons Malls
3. Vista Malls
4. Filinvest Malls
-Festival Mall (Alabang)
-Fora Mall (Tagaytay)
-Main Square (Bacoor)
-Westgate (Alabang)
-Bloc 10 (Alabang)
-South Station (Alabang)
Sa kabilang banda, ipinapaalala naman ng MMDA sa mga motorista na maging maagap sa pagsunod sa parking guidelines ng mall na pupuntahan ang manatiling updated sa mga opisyal na anunsyo ng mga mall na ito.