July 23, 2026

Home BALITA National

Teodoro, Tarriela pumalag: Batanes, 'natural extension' ng Taiwan sey ng ilang Chinese scholars!

Teodoro, Tarriela pumalag: Batanes, 'natural extension' ng Taiwan sey ng ilang Chinese scholars!
Photo courtesy: MB File Photo/Unsplash

Usap-usapan ang ilang Chinese scholars sa isang idinaos na symposium kung saan iginigiit nilang "natural extension" ng Taiwan ang Batanes, kaya nararapat daw itong mapasailalim sa China.

Batay sa mga ulat nitong Huwebes, Hulyo 9, sinabi ng SeaLight na nagtipon ang mga mananaliksik mula sa iba’t ibang unibersidad at research institution sa China sa isang symposium na ginanap noong Hunyo 30 sa Jinan University sa Guangzhou.

Ayon sa SeaLight, napagkasunduan umano ng mga kalahok na walang sapat na historikal at legal na batayan ang administrasyon ng Pilipinas sa Batanes.

Inilarawan ng mga kalahok ang Batanes bilang isang “natural geographical extension” ng Taiwan at iginiit na ang soberanya sa mga isla ay dapat umanong mapabilang sa China.

Kinuwestiyon din nila ang pagiging balido ng mga negosasyon sa maritime delimitation sa pagitan ng Japan at Pilipinas sa naturang lugar, na ayon sa kanila ay walang legal na bisa.

National

Atty. Taran ng KWF, panatag sa epekto ng AI data centers sa mga katutubong wika

Gayunman, nilinaw na walang indikasyon sa inilabas na ulat ng Jinan University o sa anumang pampublikong pahayag ng Chinese government na pormal nang inaangkin ng Beijing ang Batanes bilang bahagi ng teritoryo nito.

Ayon pa sa ulat, isinagawa ang symposium matapos ang kamakailang summit ng Japan at Pilipinas kung saan muling pinagtibay ng dalawang bansa ang mas malapit na kooperasyon sa seguridad at usaping pandagat.

Dumalo umano sa nasabing pagtitipon ang mga iskolar mula sa Jinan University, Chinese Academy of Social Sciences, Nanjing University at iba pang institusyon sa China.

Samantala, binigyang-diin ng SeaLight na ang mga ganitong akademikong pahayag ay maaaring bahagi ng isang mas malawak na estratehiya upang unti-unting makabuo ng bagong legal at historikal na naratibo na maaaring gamitin sa hinaharap kaugnay ng mga usapin sa soberanya at teritoryo.

Matatagpuan ang Batanes sa pinakahilagang bahagi ng Pilipinas at itinuturing na mahalagang lokasyon dahil sa estratehikong posisyon nito sa pagitan ng Luzon at Taiwan. Dahil dito, patuloy itong nagiging sentro ng interes sa usaping panseguridad at geopolitika sa rehiyon.

Samantala, sa panayam naman ng media kina Defense Sec. Gibo Teodoro at Philippine Coast Guard Spokesperson Jay Tarriela, mariin nilang kinondena ang nabanggit na claims.

"It also validates yung sinasabi natin na they have plan to control the whole Pacific Ocean. What is this for? And we know, walang basehan ito. Kalokohan ito. It's ludicrous," saad ni Teodoro.

Ayon kay Tarriela, lagi raw naglalabas ng kasinungalingan ang China pagdating sa mga ganitong usapin.

"They always come up with different lies, misinformation, to justify their areas in the South China Sea. For me, we should really debunk and counter all these lies, otherwise, kapag hindi natin pinatulan yung mga ganitong kasinungalingan, uulit-ulitin lang nila and they are going to rewrite history once again. Baka hindi natin alam, baka pati Ilog Pasig angkinin na rin ng China," aniya.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Palasyo tungkol sa isyu.