Inanunsyo ni Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara noong Miyerkules, Hulyo 8, na magkakaroon ng “active shooting drill” sa ilang pampublikong paaralan sa bansa sa darating na Biyernes, Hulyo 10, kasunod ng naging malagim na shooting incident sa Tacloban City.
Sa panayam ni Angara sa media, binanggit niya na layon ng active shooting drill na ihanda ang mga estudyante at school personnel sakaling may banta ng pamamaril sa kanilang paaralan.
“Ginagawa na natin yung ‘active shooter drills,’ anong gagawin kapag may shooting sa eskwelahan. May ila-launch tayo sa Biyernes, ipapakita natin anong kailangan gawin kapag may bumaril sa isang eskwelahan. May protocol na tayo, automatic,” saad ni Angara.
Hinggil naman sa bomb threats, binanggit ni Angara na makikipagtulungan ang DepEd sa Philippine National Police (PNP) upang agad na mag-inspeksyon sa mga paaralan.
“Doon naman sa bomb threats, hihingi tayo ng tulong sa PNP kasi dumarami rin ang bomb threats. Yung iba [paaralan], automatic magsususpinde sila ng klase. Doon sa mga sanay sa bomb threat, tinatawag nila yung SWAT Team ng PNP. Papasok yung SWAT Team, titigil lang sila pansamantala, hindi nila papauwiin yung mga bata,” paliwanag pa ni Angara.
Samantala, ibinahagi ng DepEd sa isang pahayag noong Lunes, Hulyo 6, na nagbalik-eskwela na ang mga mag-aaral ng San Jose National High School ilang linggo matapos ang naging malagim na pamamaril dito, kung saan, mga menor de edad ang mga suspek.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Ilang detalye sa likod ng kauna-unahang school shootout sa Tacloban City