July 18, 2026

Home BALITA Probinsya

8 paaralan sa Pampanga, nakatanggap ng bomb threat!

8 paaralan sa Pampanga, nakatanggap ng bomb threat!
Photo courtesy: Pexels

Idineklarang ligtas at walang anumang pampasabog ang walong paaralan sa San Fernando City, Pampanga matapos makatanggap ng mga ulat kaugnay ng umano'y bomb threat na kumalat sa social media.

Ayon sa San Fernando City Police, kabilang sa mga naapektuhang paaralan ang Potrero National High School at pitong elementarya na kinabibilangan ng Duat Elementary School, San Antonio Elementary School, Balas Elementary School, Sta. Barbara Elementary School, Bacolor Elementary School, Potrero Elementary School, at Parulog Elementary School. Ang mga naturang paaralan ay matatagpuan sa iisang compound.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat sa pamamagitan ng police hotline hinggil sa isang Facebook post na naglalaman ng banta ng pambobomba sa mga nasabing paaralan.

Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya na bago pa man makatanggap ng katulad na banta ang mga elementarya, ilang araw nang nakatatanggap ng mga kahalintulad na ulat ang Potrero National High School.

Bunsod nito, nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Pampanga Provincial Explosive and Canine Unit (PECU) upang tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng paaralan.

Probinsya

Karne ng aso, positibong inihahain sa restaurant sa Benguet!

Matapos ang masusing pagsusuri, kinumpirma ng mga awtoridad na walang natagpuang anumang explosive materials sa alinman sa walong paaralan at tuluyan nang na-secure ang buong lugar.

Kasunod nito, pinayagan na ring maipagpatuloy ang mga klase matapos ideklarang ligtas ang mga paaralan para sa mga mag-aaral at guro.

Patuloy namang iniimbestigahan ng Philippine National Police ang pinagmulan ng online bomb threat na nagdulot ng pangamba sa komunidad ng mga paaralan.

Ini-refer na rin ang kaso sa Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) upang matukoy at matunton ang nagpakalat ng mga banta sa digital platforms.