Binasag ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon laban kay Senate President Chiz Escudero hinggil sa pagiging duwag daw nitong ituloy ang nakabinbing impeachment trial laban sa kaniya sa Senado.
Sa panayam ng media sa Pangalawang Pangulo sa The Hague, Netherlands noong Martes, Hunyo 3, 2025, iginit niyang hindi raw ganoon ang pagkakakilala niya kay Escudero.
“Well, sa pagkakilala ko naman kay Senate President Chiz Escudero ay hindi natatakot yun,” aniya.
Hindi rin daw alam ng Pangalawang Pangulo kung saan nanggagaling ang mga alegasyong nagsasabing natatakot si Escudero—dahilan upang maipit ang impeachment sa Senado sa loob ng halos apat na buwan.
“We do not remember him, I do not know him na natatakot na klase na politiko. So hindi ko lang alam saan nanggagaling ‘yung sinasabi na takot si Senator Chiz Escudero. Hindi ko alam saan galing ‘yan,” ani VP Sara.
Samantala, matatandaang nauna na ring dumipensa si Escudero laban sa mga kumokondena raw sa kaniya.
“Pain naman ang tanong na yun. Ginagawa namin kung ano ang trabaho namin. Yung mga ganyang uri ng komentaryo at pain, uulitin ko—doon sa mga ayaw kay VP Sara at pabor sa impeachment, doon sa mga gusto kay VP Sara at tutol sa impeachment—walang bale sa akin yun,” saad ni Escudero sa isang ambush interview noong Martes.
Matatandaang nagsimulang ulanin ng batikos si Escudero matapos niyang ilipat sa Hunyo 11 ang pagbasa ng articles of impeachment ni VP Sara mula Hunyo 2, kung saan samut’ saring espekulasyon ang nagsabing posible na umanong hindi na matuloy ang impeachment trial laban sa Bise Presidente.
KAUGNAY NA BALITA: Senado, iniurong sa June 11 ang pagbabasa ng articles of impeachment vs VP Sara