May 24, 2025

Home SHOWBIZ

Vice Ganda nabuwisit kay MC: ‘Hindi marunong makisama!’

Vice Ganda nabuwisit kay MC: ‘Hindi marunong makisama!’
Photo Courtesy: Screenshots from Vice Ganda (YT)

Tahasang kinompronta ni Unkabogable Star Vice Ganda ang kaibigan at “It’s Showtime” co-host niyang si MC Muah nang magbakasyon sila sa Coron, Palawan kasama ang iba pang miyembro ng Beks Battalion.

Sa latest episode ng vlog ni Vice kamakailan, binigyan niya ng pagkakataon ang mga kaibigan niya na makapagtanong sa kaniya tungkol sa iba’t ibang bagay. 

“Kung matutulog ka sinong ayaw mong mapanaginipan?” tanong ni MC.

Sagot ni Vice, “Ikaw din.”

Alden Richards, sumadsad sa ‘rock bottom’ ang mental health

Bago ito ay inusisa ni MC si Vice kung sino ang ayaw nitong maging kamukha kapag nagising ito kinabukasan. At si MC nga ang sinabi ng Unkabogable Star.

“Nabubuwisit ako sa ‘yo. [...] Kasi nga, hindi marunong makisama. ‘Pag kayo may rampa, kayong grupo, anong mararamdaman n’yo ‘yong kasama n’yo papasok sa kwarto tapos lalabas kung kailan niya bet ta’s aantayin natin siya?” lahad ni Vice.

Dagdag pa niya, “Ta’s pagkatapos may gagawin kayo, ta’s papasok na naman siya sa kuwarto ta’s aantayin mo na naman siya kasi hindi mo alam kung kailan siya lalabas. ‘Di ba nakakabwisit?”

Ipinaliwanag ni Vice sa kaniyang mga kaibigan na kaya raw sila muling nagsama-sama sa Palawan upang bumuo ulit ng mga bagong alaala dahil matagal na nila itong hindi ginagawa.

“E, kung itutulog lang pala natin ‘to o ililigo ng matagal, sana hindi na lang tayo umalis.”

Pero sa huli, nagkaayos din naman ang dalawa at niyakap pa ang isa’t isa matapos ipaliwanag ni MC ang kaniyang panig.