Umalma ang Commission on Elections (Comelec) sa paratang ni Atty. Harold Respicio kaugnay sa automated counting machine (ACM).
Sa isang video statement kasi ni Respicio noong Sabado, Mayo 10, sinabi niyang hindi umano audited ang source code na nasa ACM dahil hindi ito tugma sa hash code na nasa audit report na nakapost sa Comelec website.
Ngunit sa latest Facebook post ng Comelec nitong Linggo, Mayo 11, pinabulaanan nila ang naturang pahayag ni Respicio.
“Para sa kaalaman ng lahat, DULY AUDITED ANG SOURCE CODE NG ACM AT TUGMA ANG HASH CODE NA GINAGAMIT NITO SA FINAL TRUSTED BUILD NA AUDITED NG INDEPENDENT THIRD-PARTY AUDITOR - INTERNATIONAL CERTIFICATION ENTITY,” saad ng Comelec.
Dagdag pa ng komisyon, “Ang sinasabing version 3.4 sa Local Source Code Review Report ay siya mismong version na sumailalim sa independent third-party audit at matapos nitong makapasa ay tinagurian na ito bilang version 3.5 na kasalukuyang ginagamit ng mga ACM base sa ipinakita ng kandidato sa bidyo.”
Kaya naman tiniyak ng Comelec na wala umanong dapat ikabahala ang mga botante dahil ang ginamit na sistema ng ACM ay dumaan sa tamang proseso ng pagsusuri, trusted build, at audit ng iba’t ibang eksperto at organisasyon sa disiplina ng Information Technology (IT).