April 26, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Hindi PCSO? PBBM, binayaran hospital bills ni Nora Aunor

Hindi PCSO? PBBM, binayaran hospital bills ni Nora Aunor
Photo courtesy: Bongbong Marcos (FB)/Ralph Mendoza (BALITA)

May mga panibagong mga impormasyong pinakawalan ang batikang showbiz insider/columnist na si Cristy Fermin patungkol sa pagpapaospital ng pumanaw na National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar na si Nora Aunor.

Ayon kay Cristy na tinalakay nila ng co-hosts na sina Romel Chika at Wendell Alvarez sa kanilang showbiz-oriented vlog na "Showbiz Now Na," ang tunay raw na nagbayad sa hospital bills ni Ate Guy ay walang iba kundi si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Matatandaang nauna nang tinalakay ni Cristy na batay raw sa kaniyang sources, bago pa man ang pagpapaopera ay lumapit na si Nora sa politikong si dating Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson para magbenta ng lupain sa Iriga.

Hindi raw ito tinanggap ni Chavit subalit ang sabi niya, siya na raw ang sasagot sa hospital bills ng showbiz icon.

Tsika at Intriga

Kate Valdez, nagsalita sa intrigang buntis siya

KAUGNAY NA BALITA: Nora lumapit para ibenta lupain sa Iriga; Chavit, sinagot hospital bills niya

Subalit may mga lumalabas ding bersyon na tinulungan daw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) si Ate Guy, na ang isa sa mga direktor nito, ay ang singer na si Imelda Papin.

Pero nakausap daw mismo ni Cristy si Imelda at pinabulaanan nitong PCSO ang nasa likod ng pagbabayad ng hospital bills ni Nora.

Ang nagbayad daw ng hospital bills ng Superstar, si PBBM.

Salaysay ni Cristy, nang sabihin daw ni Imelda kay PBBM na siya na raw ang mag-aayos para sa pagbabayad ng hospital bills ni Nora, sinabi raw ng Pangulo na siya ang sasagot dito.

"Heto po ang kuwento. Sino kako talaga anak ang nagbayad ng hospital bill?" tanong ni Cristy kay Imelda.

Sagot daw ni Imelda, "Nang magkausap kami ni Pangulong Bongbong Marcos, ang sabi ko sa kaniya 'President, ako na po ang bahalang umayos ng hospital bill ni Nora. 'Ay hindi puwede, huwag. Sasagutin ko 'yan. Ako ang sasagot diyan.' Kaya ang Pangulong Bongbong Marcos po ang nagbayad ng hospital bill ni Ms. Nora Aunor, hindi po PCSO. Wala pong sinabi si Ms. Imelda Papin na PCSO ang nagbayad ng hospital bill..." kuwento ni Cristy.

Sumatotal daw, ang binayaran ng Pangulo sa hospital bills ni Nora ay pumalo sa ₱800k, na may kaltas na raw dahil ilang mga discount. 

Agad daw nakipag-ugnayan ang Pangulo sa Medical City, ang hospital na pinagdalhan kay Nora, para sa nabanggit na hospital bil. 

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ng kumpirmasyon tungkol dito si PBBM o ang Palasyo.