Naghatid ng kakaibang eksena sa unang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte si Sen. Robin Padilla matapos ang kaniyang mga hirit habang nagaganap ang talakayan hinggil sa mga legal at konstitusyonal na usapin sa Senado, kaugnay sa kung sino ba ang dapat na mag-preside ng paglilitis.
Sa gitna ng diskusyon ng mga senador na pawang may matitibay na legal na background, lalo na ng magkapatid na sina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Pia Cayetano noong Lunes, Hulyo 6, sinabi ni Padilla na iba ang kanyang pinanggalingan kumpara sa ilan niyang mga kasamahan.
Nauna na kasing kinuwestyon ni Sen. Alan ang constitutionality ng pagkakaroon ng presiding officer gayong dapat daw, ang Senate President ang dapat na mag-preside nito; kaiba sa naging sitwasyon ng impeachment ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada na kasama ng SP si Chief Justice Hilario Davide.
Ibinala kasi ni Sen. Alan na galing siya sa Ateneo Law School, at kahit mga abogado, law professors, legal practitioners, at mga estudyante ng law school, alam na tama ang iginigiit niya.
Sinegundahan naman si Sen. Alan ng kaniyang kapatid na si Sen. Pia, at ipinagdiinan namang graduate siya ng UP o University of the Philippines.
“Always happy to stand before our colleagues and share my experience in University of the Philippines (UP) Law,” ani Pia.
Iginiit ng magkapatid na may seryosong katanungang konstitusyonal sa pagpili ng presiding officer ng impeachment trial. Ayon sa magkapatid, nakasaad umano sa Konstitusyon na ang Senate President ang dapat mangasiwa sa paglilitis kapag Bise Presidente ng bansa ang ini-impeach. Gusto raw nilang maging maayos, legal, at constitutional ang lahat bago magsimula, upang maiwasang maging "null and void" sa hinaharap, kung anuman ang maging resulta ng impeachment trial.
Matapos nito, nagsalita naman si Padilla at sinabing gumamit pa siya ng Google para alamin ang iba't ibang legal terms na sinasambit ng mga kasama sa Senado, dahil hindi raw siya nagtapos ng UP at Ateneo.
"Humingi po ako ng tulong sa Google, kasi legal terms po ito. Hindi naman po ako nagtapos sa UP, sa Ateneo, nagtapos po ako ng Criminology at UP rin, sa University of Prison," aniya.
Dito, binasa ni Padilla na batay sa kaniyang nasaliksik sa Google, ang mamumuno sa lahat ng mga bagay ay Pangulo ng Senado, batay raw kay Davide.
"Ang batas po ay precise. Hindi po ito puwedeng iba-ibahin, o baluktutin, kung ano ang sinabi lalo ng Saligang-Batas, ay sana po ay panghawakan natin," giit pa niya.
Gayunman, matapos ang mahabang talakayan at botohan, nanaig ang pananaw ng mayorya ng mga senador. Sa huli, inaprubahan ng Senado ang paghirang kay Sen. Chiz Escudero bilang Presiding Officer ng Senate Impeachment Court para sa paglilitis kay VP Sara.
Kung babalikan, matatandaang nakulong si Padilla at nahatulan sa kasong illegal possession of firearms noong 1994. Bagamat nabigyan siya ng conditional pardon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong 1998, hindi nito naibalik ang kaniyang mga karapatang sibil at politikal, tulad ng karapatang bumoto, maglakbay, at kumuha ng pasaporte.
Pero sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nabigyan ng absolute pardon si Padilla. Ayon kay FPRRD, sapat na ang panahon ng pagkakakulong ni Padilla, at wala namang nasaktan sa kaniyang nagawang krimen.