Kinaaliwan ng mga netizen ang isang eksena sa Sunday episode ng "Pilipinas Got Talent" matapos tanungin ng isa sa mga huradong si dating ABS-CBN President Freddie M. Garcia (FMG) ang isang auditionee na acrobat gamit ang German wheels kung related ba siya kay Kapamilya star Daniel Padilla.
Una kasing nasabi ng isa pang huradong si Outstanding Asian Star at Kapamilya Superstar Kathryn Bernardo na hawig ng lalaking contestant ang Kapamilya actor na si Ronnie Alonte.
Maya-maya, biglang sumingit ng tanong si FMG at tinanong ang lalaki kung kaanak ba niya si DJ.
Kitang-kita naman ang pagtawa ni Kathryn na sinabayan pa ng paghiyaw ng audience sa studio.
Tila sumang-ayon naman si Kathryn at sinabing hawig nga ng hairstyle ng contestant ang buhok ni Daniel sa "Incognito."
Ang Incognito ay kinabibilangang action-drama series ngayon ni Daniel, kasama sina Richard Gutierrez, Baron Geisler, Kaila Estrada, Maris Racal, Anthony Jennings, at Ian Veneracion.
Kinakiligan naman tuloy ng netizens ang simpleng sinabi ni Kathryn, dahil tila nagbabadya raw ito na nanonood ng Incognito ang ex-girlfriend ni Daniel.
O kung hindi nanonood, at least daw ay tila aware at updated si Kathryn sa mga ganap ng kaniyang ex-jowa.
Narito ang ilan sa mga kinikilig na reaksiyon at komento ng netizens.
"Waaaahhhh so ibig sabihin nanonood siya? Hahaha."
"Di pagkakaila na my ngiti sa mga mata ni kath.. cguro kaya sila nag hiwala para magkaron sila Ng space pareho tapos sa huli magkaka ayos din sila parang planado na eii hahaha"
"Only the Boss FMG can do it kay Kathryn hahaha love it!"
"Ang saya nga niya ng banggitin ang Incognito."
"Mukhang pinapanood pa ni Kathryn si ex hahahaha"
"OMG my KathNiel heart hahaha."
"at alam ni Kath na parang sa incognito HAHA"
Samantala, nakatanggap ng apat na yes mula sa mga hurado ang nabanggit na contestant na may twin pala.