May 22, 2026

Home BALITA National

Malacañang, hindi pipigilan imbestigasyon ng CHR sa engkuwentro sa Negros Occidental

Malacañang, hindi pipigilan imbestigasyon ng CHR sa engkuwentro sa Negros Occidental
Photo courtesy: RTVM/YT, Commission on Human Rights of the Philippines/FB


Nagpahayag na ang Palasyo kaugnay sa naganap na sagupaan sa pagitan ng armadong grupo at militar sa probinsya ng Negros Occidental kamakailan, na nagresulta sa pagkasawi ng 19 katao kabilang na si Alyssa Alano na isang mag-aaral mula sa University of the Philippines (UP) Diliman, community journalist na si RJ Ledesma, at 2 amerikano.

Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Abril 27, nilinaw din ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi hahadlang ang Palasyo sa hiwalay at independent na imbestigasyong nais ikasa ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa nasabing engkuwentro.

“Well, according to [Armed Forces of the Philippines] AFP, legitimate military operation ang naganap, at ang sabi [rin] ni Gen. Brawner ay they were armed,” saad ni Usec. Castro.

Giit niya, “So, kung magpapa-imbestiga po sila sa Commission on Human Rights, hindi naman po pipigilan para malaman ang katotohanan dito.”

Matatandaang nagpahayag din si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ng kaniyang suporta para sa isasagawang imbestigasyon ng CHR ukol sa pagkamatay ng 19 na katao sa nabanggit na sagupaan sa lalawigan ng Negros Occidental.

“Suportado natin ang independent at patas na imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) para malaman ang buong katotohanan sa nangyaring engkwentro sa Negros Occidental, mapakinggan ang lahat ng panig, at mapanagot ang dapat managot,” saad ni Rep. Diokno sa kaniyang post noong Linggo, Abril 26.

MAKI-BALITA: Rep. Diokno, suportado imbestigasyon ng CHR sa pagkasawi ni Alyssa Alano, atbp.-Balita

Sa parehong press briefing, ipinagdiinan din ng press officer na nararapat daw labanan ang banta ng komunismo at terorismo sa bansa, na siyang maaaring manggulo sa bansa.

“Dapat labanan ang terorismo, dapat labanan ang komunismo—‘yong mga maaaring nanggugulo sa ating bayan,” anang press officer.

MAKI-BALITA: ‘Dapat labanan ang terorismo, komunismo!’—Palasyo