Inihayag ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang kaniyang pagsuporta sa hiwalay at independent investigation ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa pagkasawi ng 19 indibidwal sa naganap na engkwentro sa lalawigan ng Negros Occidental kamakailan.
Sa isang pahayag na ibinahagi ni Diokno sa kaniyang Facebook post noong Linggo, Abril 26, inilahad niyang ang kaniyang suporta ay layong pakinggan ang punto ng magkabilang panig.
“Suportado natin ang independent at patas na imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) para malaman ang buong katotohanan sa nangyaring engkwentro sa Negros Occidental, mapakinggan ang lahat ng panig, at mapanagot ang dapat managot,” saad ni Rep. Diokno sa kaniyang post.
Nakisimpatya rin ang kongresista sa pamilya ng mga nasawing indibidwal sa nasabing engkwentro.
“Nakikiramay tayo sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. Dapat nang matapos ang siklo ng karahasan, maging ito man ay extrajudicial killings o resulta ng armadong tunggalian. Ang dapat manaig ay hustisya, kapayapaan, at paggalang sa karapatang pantao, dignidad, at buhay ng bawat Pilipino,” anang kongresista.
Kabilang sa mga namatay ay ang University of the Philippines (UP) Diliman student na si Alyssa Alano at community journalist na si RJ Ledesma.
KAUGNAY NA BALITA: Nadamay na student-leader at local journalist sa engkwentro ng militar vs NPA, umani ng mga reaksyon sa netizens!-Balita
Samantala, ipinagdiinan naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lehitimo at “intelligence-driven” ang isinagawa nilang operasyon—na may layong protektahan ang komunidad mula umano sa bantang dala ng New People’s Army (NPA) sa lugar.
KAUGNAY NA BALITA: CHR, nagkasa na ng imbestigasyon sa pagkamatay ng 19 katao sa operasyon ng militar sa Negros-Balita
Photo courtesy: Chel Diokno/FB, Commission on Human Rights of the Philippines/FB