April 14, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Daniel Padilla at Kyle Echarri, muntik magrambulan dahil kay Kathryn Bernardo?

Daniel Padilla at Kyle Echarri, muntik magrambulan dahil kay Kathryn Bernardo?
Photo courtesy: Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Kyle Echarri (IG)

Usap-usapan sa social media ang nangyaring gusot sa pagitan ng Kapamilya stars na sina Daniel Padilla at Kyle Echarri sa after-party ng naganap na ABS-CBN Ball 2025 noong Biyernes, Abril 4.

Ang itinuturong dahilan?

Dahil umano sa ex-jowa ni DJ na si Outstanding Asian Superstar at Kapamilya star Kathryn Bernardo.

Batay sa mga kumakalat na tsika at ulat na rin ng ilang entertainment sites, tila hindi raw nagustuhan ni Daniel ang medyo "touchy" na hawak ni Kyle sa kaniyang ex-girlfriend na si Kathryn na dulot na raw ng kalasingan.

Tsika at Intriga

Janno Gibbs pumalag, minura mga umookray na 'enabler' siya ni Dennis Padilla

Magkasama raw sina Kathryn at Kyle at iba pang mga artista gaya nina Dolly de Leon, Donny Pangilinan, at Belle Mariano sa after-party. Sina Kathryn at Dolly ay nagkasama na sa pelikulang "A Very Good Girl" habang magkasama naman sila ni Donny bilang judges sa "Pilipinas Got Talent" season 7.

Makikita rin sa mga kumakalat na videos na magkahawak-kamay sina Kath at Kyle, na sapantahan ng mga netizen, ay pag-alalay ng actor-singer kay Kath dahil sa suot nitong heels.

Nangyari daw ang gulo nang magpang-abot daw sina Daniel at Kyle sa Skybar, ang lugar kung saan idinaos ang after-party ng ABS-CBN Ball.

Lumulutang pa ang bersyon na hindi raw natuloy ang sapakan dahil umawat sina JK Labajo (para kay Kyle) at Richard Gutierrez (para kay Daniel).

Sina JK at Kyle ay nagkasama sa seryeng "Senior High" na pinagbidahan ni Andrea Brillantes. Pareho rin silang produkto ng The Voice Kids noong nasa ABS-CBN pa ito.

Sina Richard at Daniel naman ay magkasama sa action-drama series na "Incognito" na kasalukuyang umeere.

Nitong Linggo, Anril 6 lamang lumutang ang tungkol sa isyung ito batay sa tsika ng mga saksing hindi celebrity o nakakita lamang daw sa mga pangyayari.

Samantala, wala pang pahayag ang Star Magic, ABS-CBN, o maging ang kampo nina Daniel at Kyle tungkol sa isyung ito. Bukas ang Balita sa kanilang panig.