Pinag-uusapan ang dating assistant secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ngayo'y tumatakbong councilor sa District 3 ng Maynila sa ilalim ng "Yorme's Choice" na si Mocha Uson, dahil sa kaniyang "Cookie ni Mocha" sa naganap na proclamation rally noong Marso 30, 2025.
Mapapanood sa kuhang video na makikita mismo sa Facebook page na "Mocha Uson Distrito Tres" ang pagsayaw ni Mocha sa saliw ng isang campaign jingle na patungkol sa "Cookie ni Mocha."
Makikita rin sa mga video ang pagsigaw ni Mocha ng "Cookie ni Mocha!" na sasagutin naman ng mga tao ng "Ang sarap-sarap!"
"Natikman n'yo na ba ang cookie ni Mocha?" hirit pa niyang tanong sa mga dumalo sa campaign rally.
Pero ipinaliwanag ni Mocha kung ano nga ba ang "Cookie ni Mocha."
"Kapag nalaman niyo ang kwento, ang Cookie ni Mocha ay isang simbolo ng pag-asa at tunay na pagbabago," aniya.
May mas malalim palang kuwento sa likod ng Cookie ni Mocha. Mas sumasarap umano ito hindi lang dahil sa linamnam ng pagkakagawa, kundi dahil sa adbokasiyang bitbit nito, lalo na sa mga nanay at senior citizen sa distrito 3 ng Maynila.
"Sampung taon na ang nakalipas mula nang mabuo natin ang Cookie ni Mocha—isang munting negosyo kung saan natin nakilala si Nanay Lourdes, isang mahusay na panadera na naging kaagapay natin sa paggawa ng Cookie ni Mocha "
"Ngunit nang malaman natin na siya ay may Stage 4 breast cancer tulad ng aking ina, nagdesisyon tayong ialay ang lahat ng kinita ng Cookie ni Mocha para sa kanyang pagpapagamot."
"Mula sa isang simpleng negosyo, ito ay naging isang adbokasiya—isang laban para sa kalusugan ng ating mga kananayan
Ngayon, ibinabalik natin ang Cookie ni Mocha, dahil hindi lang yan Cookie lamang, ito ay ating simbolo ng pag-asa para sa isang mas maunlad na kinabukasan ng ating kananayan at mga senior citizens sa ating distrito," aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: Sigaw sa kampanya ni Mocha Uson, 'Cookie ni Mocha ang sarap-sarap!'
Makikita naman sa mga ibinahaging videos ni Mocha ang pag-iikot niya sa Maynila at pagpapamudmod ng kaniyang pinag-uusapang cookie.
Sa kabilang banda, kahit ipinaliwanag na ang ibig sabihin ng "Cookie ni Mocha," binatikos naman ito ng labor leader at senatorial candidate na si Atty. Luke Espiritu.
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Luke Espiritu, sinita campaign jingle ni Mocha Uson: 'Mismong babae binabastos ang kababaihan!'