Pinalagan ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang mga umugong na depensang hindi raw maaaring arestuhin sa loob ng Senado si Sen. Ronald "Bato" dela Rosa.
Sa panayam ng media kay Trillanes nitong Lunes, Mayo 11, 2026, ginawa niyang halimbawa ang naging pag-aresto raw sa kaniya noon, kahit na nasa loob pa siya ng Senado.
"Ang precedence, may session yun, nag-serve ng warrant sa akin yung PNP, sumama ako. Yun ang precedence," ani Trillanes.
Giit pa niya, ang Senado raw ay law-making body at hindi law-breaking body kung kaya't dapat isuko na si Dela Rosa.
"Itong institusyon na ito, it’s a law-making body, not a law-breaking body. May valid warrant of arrest, International Criminal Court," saad pa ni Trillanes.
Tahasan ding tinawag ni Trillanes na "sinungaling" ang taong nagsabi raw ng argumentong hindi maaaring maaresto si Dela Rosa loob ng Senado.
"Kung sino man nagsalita nun, sinungaling," aniya pa.
Matatandaang si Sen. Rodante Marcoleta ang senador na nagpahayag sa plenaryo na maaari umanong tumanggi ang Senado na isuko si Dela Rosa arrest warrant na nakaamba laban sa kaniya.
"The Trillanes precedent shows that the Senate can refuse to allow within the Senate premises even with non-bailable offense," ani Marcoleta.
Ayon sa kopyang ibinahagi ni Trillanes sa media, isang “secret” na arrest warrant ang inilabas umano ng ICC laban kay Dela Rosa.
Si Dela Rosa ay minsan nang pinangalanan ng ICC bilang co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatupad ng naging madugong kampanya kontra droga.
Maki-Balita: ALAMIN: Kinalaman ni Sen. Bato bilang 'co-perpetrator' ni FPRRD sa war on drugs!