May 22, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Kinalaman ni Sen. Bato bilang 'co-perpetrator' ni FPRRD sa war on drugs!

ALAMIN: Kinalaman ni Sen. Bato bilang 'co-perpetrator' ni FPRRD sa war on drugs!
Photo courtesy: File Photo

Pumutok sa mga ulat nitong Sabado, Mayo 9, 2026, na opisyal na umanong naglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa. 

Natanggap na umano ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) ang naturang arrest warrant ng ICC kay Dela Rosa at agad pumunta ang kinatawan ng naturang police organization sa bansa. 

Sa kabila nito, agad namang idiniin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla nito ring Sabado na mananatili raw “hearsay” o sabi-sabi ang ulat ng warrant of arrest laban kay Dela rosa hanggang hindi pa niya personal na makikita ang kopya nito. 

“As far as I am concerned, until I see the official copy, it is hearsay. As of latest update, the DILG is preparing a 10k task force for the dragnet operations in case a warrant of arrest for Senator Bato is issued,” base sa pinadalang pahayag ni Remulla sa isang media network. 

Ngunit ano nga ba ang koneksyon ni Dela Rosa sa madugong war on drugs noon sa panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at bakit siya tinutugis ng ICC ngayon? 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Sa inilabas na dokumento ng Office of the Prosecutor ng ICC noong Pebrero 13, 2026, direkta nilang binanggit ang pangalan ni Dela Rosa, kapuwa niyang senador na si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, at iba pa bilang co-perpetrators umano ni FPRRD sa madugong giyera kontra droga.

Ayon sa nasabing dokumento, nagkasundo umano sina Duterte, Dela Rosa, Go, at iba pang mga co-perpetrator niya sa isang “Common Plan” na “ma-neutralize” o itiklop ang umano’y mga kriminal sa Pilipinas.

Kabila na umano rito ang mga gumagamit at nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019. 

“At least between 1 November 2011 and 16 March 2019, DUTERTE and his coperpetrators shared a common plan or agreement to ‘neutralise’ alleged criminals in the Philippines (including those perceived or alleged to be associated with drug use, sale or production) through violent crimes including murder (‘Common Plan’)[...]” anang ICC.

Narito ang listahan ng mga indibidwal na nabanggit ng ICC na umano’y co-perpetrator at nakatulong ni Duterte noon:

1. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa

2. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go 

3. Vicente Danao

4. Camilo Cascolan

5. Oscar Albayalde

6. Dante Gierran

7. Isidro Lapeña

8. Vitaliano Aguirre II

9. Iba pang miyembro ng Philippine National Police (PNP) at umano’y mga high ranking officials.

Kaugnay nito, hind pa rin nakikita ng publiko ang anino ni Dela Rosa mula nang nagsimula siyang hindi pumasok sa Senado matapos ang noo’y kumpirmasyon ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na mayroon na raw gumugulong na arrest warrant laban sa senador.

Noong Abril 8, naitalang si Dela Rosa ang may pinakamaraming absent sa Senado bunsod pa rin ng kaniyang pagtatago.

Samantala, wala pa namang lumalabas impormasyon kung naglabas din ang ICC ng warrant of arrest sa iba pang nabanggit nila noong coperpetrators ni FPRRD. 

KAUGNAY NA BALITA: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC

KAUGNAY NA BALITA: SP Sotto, imumungkahing batuhin na ng 'show cause order' si Sen. Bato!