Inihayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na pinag-aaralan na niyang imungkahi sa Senate Ethics Committee na isyuhan ng show cause order si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa patuloy niyang pagtatago at pagliban sa Senado.
Sa panayam ng media kay Sotto nitong Lunes, Mayo 4, 2026, iginiit ni Sotto na kailangan na raw nilang pagpaliwanagin si Bato hinggil sa kinahaharap niyang reklamo sa nasabing komite.
KAUGNAY NA BALITA: Pag-absent ni Sen. Bato sa Senado, sinupalpal ng ethics complaint ng isang grupo!
“Hihingan namin siya ng sagot.... Sa complaint sa kaniya sa ethics,” ani SP Sotto.
Dagdag pa niya, “Isa-suggest ko na hingan si Sen. Bato dela Rosa ng eksplenasyon. Kumbaga sa ano, show cause.”
Nang tanungin ng media kung sinubukan na raw ni Dela Rosa na makipag-ugnayan kay Sotto hinggil sa isyu rin ng sweldo niya dahil sa ilang buwang pagtatago, saad ng Senate President, "Wala, wala pa."
Matatandaang Nobyembre 2025 pa nagsimulang lumiban sa pagdalo at pagpunta sa Senado si Dela Rosa matapos umugong ang umano’y arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya, kaugnay ng naging madugong kampanya kontra droga ng administrasyon noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Abril 2025, tahasang inamin ni Sen. Robin Padilla na siya raw ang nag-udyok kay Dela Rosa na matago na dahil sa banta ng nasabing arrest warrant.
“Hindi ko naman tinitingnan na absent ’yon kasi culprit din ako do’n. Ako nagsabi na, ‘Pare, magtago ka muna!’” ani Padilla.
Paliwanag pa niya, “Kasi ang iniiwasan ko, kapag siya ay hinuli sa Senate at nandoon ako, mamamatay na kaming dalawa do’n. Kung kukunin siya ng dayuhan doon, sa akin personal ’to. Foreigner ’to, eh.”
KAUGNAY NA BALITA: ‘Culprit din ako do’n!’ Sen. Robin, aminadong siya nag-udyok na magtago si Sen. Bato