May 22, 2026

Home BALITA Politics

‘Culprit din ako do’n!’ Sen. Robin, aminadong siya nag-udyok na magtago si Sen. Bato

‘Culprit din ako do’n!’ Sen. Robin, aminadong siya nag-udyok na magtago si Sen. Bato
Photo courtesy: Robin Padilla/FB

Inamin ni Sen.Robin Padilla na pinayuhan umano niya ang nagtatagong si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, para makaiwas sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC).

Sa isang news program,ibinahagi ni Padilla ang kaniyang pananaw hinggil sa posibilidad na maharap sa pag-aresto si dela Rosa, na isa sa mga pangunahing personalidad na inuugnay sa imbestigasyon ng ICC tungkol sa kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa senador, personal niyang sinabi kay dela Rosa ang kaniyang payo sakaling lumala ang sitwasyon.

“Hindi ko naman tinitingnan na absent ’yon kasi culprit din ako do’n. Ako nagsabi na, ‘Pare, magtago ka muna!’” ani Padilla.

Paliwanag pa niya, “Kasi ang iniiwasan ko, kapag siya ay hinuli sa Senate at nandoon ako, mamamatay na kaming dalawa do’n. Kung kukunin siya ng dayuhan doon, sa akin personal ’to. Foreigner ’to, eh.”

Politics

Sen. Loren, niligwak na rin ng Kislap Diwa na pinangangasiwaan niya!

Matatandaang nagsimulang hindi pumasok sa Senado at magtago sa publiko si Dela Rosa matapos ang noo’y kumpirmasyon ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na mayroon na raw gumugulong na arrest warrant laban sa senador.

Noong Abril 8, naitalang si Dela Rosa ang may pinakamaraming absent sa Senado bunsod pa rin ng kaniyang pagtatago.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato Dela Rosa, numero unong puro absent sa Senado!

Bagama’t nahaharap na sa ethics complaint si Dela Rosa, nilinaw ni Ethics Committee Chairman JV Ejercito na posible lamang na maibasura ang reklamo laban kay Dela Rosa dahil walang batas ang Senado hinggil sa “no work, no pay!”

“Outright, kung itutuloy namin ‘yan, the case will be dismissed. Wala kasi sa rules namin eh ‘di ba? So it will be dismissed kasi you cannot find it anywhere in our rules sa ethics or sa rules of the Senate,” ani Ejercito na chairman ng naturang komite.

Dagdag pa niya, “We just have to amend the rules first and then probably they can refile, just in case.”

KAUGNAY NA BALITA: 'Wala sa rules!' Reklamong 'no work no pay!' kay Sen. Bato, pwedeng mabokya?

Samantala, patuloy ang diskusyon sa Senado at iba’t ibang sektor hinggil sa posibleng pakikipagtulungan ng Pilipinas sa ICC, lalo na sa usapin ng hurisdiksyon at soberanya ng bansa.

Wala pang opisyal na pahayag si Dela Rosa kaugnay sa nasabing pahayag ni Padilla, habang hinihintay pa ang susunod na hakbang ng pamahalaan hinggil sa usapin ng ICC.