Pumalo sa kabuuang 31 na bilang ng mga araw ang naging pagliban ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga isinagawang sesyon ng Senado sa first regular session ng 20th Congress.
Base ito sa ipinakitang tala ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa news media outlets nitong Miyerkules, Abril 8, 2026.
Ayon sa tala ng nasabing senador, 27 na beses lamang na nakatugon si Dela Rosa sa kabuuang 58 na mga araw na isinagawang sesyon ng Senado mula noong Hulyo 28, 2025, hanggang Marso 8, 2026.
Sumunod kay Dela Rosa si Sen. Alan Peter Cayetano na may kabuuang 14 na beses na pagliban sa mga naturang sesyon.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, reaksyon, o tugon si Dela Rosa kaugnay rito.
Kaugnay nito, matatandaang hindi na nakikita sa publiko at hindi na rin dumadalo sa mga sesyon ng Senado si Dela Rosa mula pa noong Nobyembre 2025, matapos iugnay ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang umano’y warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban sa senador kaugnay ng madugong kampanya kontra droga.
Kalaunan, kinilala rin ng ICC Office of the Prosecutor si Dela Rosa bilang isa sa mga sinasabing co-perpetrator ni Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity.
KAUGNAY NA BALITA: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC
KAUGNAY NA BALITA: 'Wala sa rules!' Reklamong 'no work no pay!' kay Sen. Bato, pwedeng mabokya?