Posibleng maibasura lang ang ethics complaint na inihain laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng kaniyang patuloy na pagliban sa Senado kung hindi muna maaamyendahan ang umiiral na mga patakaran sa Senado.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, Marso 18, 2026, ipinaliwanag ni Sen. JV Ejercito na walang probisyon sa rules ng Senate Committee on Ethics and Privileges, maging sa buong Senado ang tungkol sa “no work, no pay.”
“Outright, kung itutuloy namin ‘yan, the case will be dismissed. Wala kasi sa rules namin eh ‘di ba? So it will be dismissed kasi you cannot find it anywhere in our rules sa ethics or sa rules of the Senate,” ani Ejercito na chairman ng naturang komite.
Dagdag pa niya, “We just have to amend the rules first and then probably they can refile, just in case.”
Inihain ang naturang ethics complaint laban kay Dela Rosa noong Pebrero 25 ng civil society group na Wag Kang KuCorrupt.
Sa kanilang reklamo, iginiit ng grupo na ang patuloy na hindi pagpasok at hindi pagtupad sa tungkulin ng isang nakaupong senador ay “constitutes not only a clear dereliction of duty but also a grave abuse of the privilege entrusted to him by the Filipino people.”
KAUGNAY NA BALITA: Pag-absent ni Sen. Bato sa Senado, sinupalpal ng ethics complaint ng isang grupo!
Gayunman, iginiit ni Ejercito na kinakailangang may magpanukala muna ng amyenda sa rules upang hindi agad maibasura ang reklamo.
“If any member would propose that the rules be amended or proposed the inclusion of such provision—’yung (the) no work, no pay, then we can make the necessary amendment,” aniya.
Giit pa niya, “Kung gusto mag-prosper, kailangan i-amend ang rules to include yung sa no, work no pay,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Ejercito, pang-anim sa listahan ang reklamo laban kay Dela Rosa at sinusunod ng komite ang “first in, first out” na batayan sa pagdinig. Sa kabuuan, siyam na reklamo na ang naihain sa ethics committee hanggang Marso 18.
Sa tanong kung maaari agad amyendahan ang rules bago ang pagdinig, sinabi ni Ejercito, “Siguro as we go along, we will have to discuss it with the committee members.”
Matatandaang hindi na nakikita sa publiko at hindi na rin dumadalo sa mga sesyon ng Senado si Dela Rosa mula pa noong Nobyembre 2025, matapos iugnay ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang umano’y warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban sa senador kaugnay ng madugong kampanya kontra droga.
Kalaunan, kinilala rin ng ICC Office of the Prosecutor si Dela Rosa bilang isa sa mga sinasabing co-perpetrator ni Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity.
KAUGNAY NA BALITA: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC