Matapos ang mahabang biyahe mula sa Pilipinas, nagbigay-mensahe si dating Pangulong Rodrigo Duterte bago ang paglapag ng kaniyang sinasakyang eroplano sa Rotterdam, Netherlands nitong Miyerkules, Marso 12.
Sa video na inilabas sa opisyal na Facebook account ni Duterte, sinabi niyang "okay" daw siya matapos ang mahabang biyahe.
"To my countrymen, just to give you the current situation, I am about to land sa The Hague galing ako sa Dubai stopover... it's a long haul, it's a long flight. Okay ako. Do not worry," saad ng dating pangulo.
"I think it has something to do with the law and order noon, at sinasabi ko naman sa mga pulis at military na trabaho ko 'yon, at ako ang managot so ito na nga.
"For all of the whatever happened in the past, ako na 'yung nag-front sa ating law enforcement, pati military. Sinabi ko na, I will protect you and I will, ako ang managot sa lahat," saad pa ni Duterte.
Gayunman, patuloy raw niyang paglilingkuran ang bansa kung ganoon daw ang kaniyang "destiny."
"This will be a long legal proceeding but I say to you I will continue to serve my country at so be it, kung ganoon ang destiny ko. Salamat."
Lumapag ang sinasakyang eroplano ni Duterte sa Netherlands bandang 11:53 p.m., oras sa Pilipinas.
Matatandaang noong Martes ng umaga, Marso 11, nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Duterte mula sa Hong Kong, at saka siya dinala sa Villamor Air Base sa bisa raw ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) para sa “krimen laban sa sangkatauhan" na kaugnay sa kaniyang War on Drugs.
BASAHIN: FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang
Matapos ang mahigit 10 oras na pagkakaaresto, isinakay si Duterte sa isang eroplano na lilipad patungo umano The Hague, Netherlands.
Ilang minuto ng pag-alis ng dating pangulo, kinumpirma mismo ni Pangulong Bongbong Marcos na dadalhin nga ito sa Netherlands para sa paglilitis ng ICC.
BASAHIN: PBBM, kinumpirma na dadalhin si ex-Pres. Duterte sa The Hague
Sinabi ni Marcos na ang pag-aresto kay Duterte ay alinsunod sa commitment ng bansa sa Interpol at hindi "political persecution."
BASAHIN: Ex-Pres. Duterte, inaresto alinsunod sa commitment ng 'Pinas sa Interpol—PBBM
BASAHIN: PBBM, itinangging 'political persecution' pag-aresto ng ICC kay FPRRD