Inabisuhan ni Vice President Sara Duterte ang opisina ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na nabago na raw ang plano niyang paglabas ng bansa dahil sa “last minute” na pagpayag nito sa kaniyang kahilingan.
Matatandaan kasing pinayagan ng Office of the President si VP Sara noong Miyerkules, Abril 22, 2026, na magsagawa ng personal na biyahe sa ilang bansa sa Europa at Asya mula sana Abril 23 hanggang Mayo 15, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: 23 araw na biyaheng abroad ni VP Sara, aprub sa Palasyo
Ayon sa inilabas na pahayag ni VP Sara sa kaniyang Facebook page nitong Huwebes, Abril 23, 2026, nagpasalamat siya sa tila huling minutong pagpayag ng Pangulo.
“Thank you for the last-minute issuance of the travel authority,” pagsisimula niya.
Ani VP Sara, nais daw niyang ipaala sa nasabing tanggapan na nabago na ang mga plano niyang pag-alis dahil sa tila walang kasiguraduhang papayagan siya ng Palasyo.
“I regret to inform you that the plans have since changed due to uncertainty as to whether I will be permitted to depart,” aniya.
Saad niya, magpapadala raw siya ng bagong apela sa Palasyo at dapat daw sanang maproseso ito ng mabilis upang mas makapaghanda siya sa kaniyang pag-alis, sa halip ng huling naging pagpirma ng Pangulo sa kaniyang kahilingan.
“You will be receiving a new request soon. Please ensure that the necessary documents be processed and issued promptly, allowing sufficient time for travel preparations rather than only a few hours before the intended departure,” diin niya.
Pagpapatuloy pa ni VP Sara, marapat daw sanang siguruhin ng Palasyo ang “confidentiality” ng kaniyang ipapadalang sensitibong kahilingan upang mapanatili nila ang epektibong ligtas na pagsasaayos ng kaniyang pag-alis.
“Additionally, ensuring the confidentiality and proper handling of sensitive documents would greatly contribute to maintaining effective security arrangements,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong tugon o pahayag ang tanggapan ng Pangulo kaugnay rito.