Pinayagan ng Office of the President si Sara Duterte na magsagawa ng personal na biyahe sa ilang bansa sa Europa at Asya mula Abril 23 hanggang Mayo 15, 2026.
Batay sa dokumentong may petsang Abril 22, 2026 at pirmado ni Executive Secretary Ralph Recto, inaprubahan ang travel authority alinsunod sa umiiral na mga patakaran ng pamahalaan.
“You are hereby authorized to travel to the Netherlands, Republic of Korea, Belgium, Germany, and the United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland on 23 April – 15 May 2026, while on leave of absence, at no cost to the government,” anang liham na naisapubliko nitong Miyerkules.
Nilinaw din sa dokumento na ang nasabing pahintulot ay pumapalit sa anumang naunang travel authority na ibinigay sa bise presidente para sa parehong layunin at petsa.
Ayon sa liham, ang biyahe ay isasagawa habang naka-leave of absence si Duterte at hindi gagamit ng pondo ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang tanggapan ng bise presidente hinggil sa layunin ng naturang paglalakbay.
Bago nito, matatandaang hindi na naman dumalo sa pagdinig ng House Committee on Justice si VP Sara para sa paggulong ng impeachment case laban sa kaniya.
Bunsod nito, diretsahang nagpatutsada sina Manila 6th district Benny Abante at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro hinggil sa kaniyang pagliban.
“I am disappointed na wala ang ating vice president, but I’m not surprised... The vice president has shown a pattern, matapang sa salita pero umiiwas sa tanong. She’s tough when speaking to media, when issuing statements, pero kapag haharap sa proseso, biglang nawawala,” ani Abante.
KAUGNAY NA BALITA: 'Matapang lang sa salita!' Rep. Abante may banat kay VP Sara
Hirit naman ni Luistro, “Na-ghost na nga tayo, tila gina-gaslight pa tayo.”
KAUGNAY NA BALITA: 'Na-ghost na nga, ginaslight pa!' Luistro, binanatan si VP Sara