Inalis sa puwesto ang hepe ng isang police station at ilang mga pulis na miyembro ng operatiba matapos ang madugong insidente sa General Santos City na ikinasawi ng isang 12-anyos na batang babae.
Ayon sa Police Regional Office-12, isinailalim sa administrative relief ang station commander at tatlong pulis na rumesponde sa operasyon upang magbigay-daan sa isang patas at masusing imbestigasyon.
“In the meantime, yung station commander, I have directed yung administrative relief to pave the way of impartial and thorough investigation,” ayon kay Police Brigadier General Arnold Ardiente sa pnayam niya sa media.
Nag-ugat ang insidente sa isang tawag hinggil sa isang armadong lalaki na umano’y nagpapaputok ng baril sa lugar. Sa pagresponde ng pulisya, sinasabing pinaputukan sila ng suspek gamit ang kalibre .45, na humantong sa palitan ng putok.
Napatay ang suspek at narekober mula sa kaniya ang isang baril at mga hinihinalang ilegal na droga.
Gayunman, isang batang babae ang tinamaan ng bala sa ulo habang nagaganap ang engkuwentro at kalauna’y nasawi.
KAUGNAY NA BALITA: Ligaw na bala, tumagos sa ulo at leeg ng 12-anyos!
Napag-alamang nadamay ang batang babae na nasa loob ng kanilang bahay. Ayon sa kaniyang lola, tinamaan ito ng bala sa ulo na tumagos hanggang leeg.
Ayon sa pulisya, ang suspek umano ang nakabaril sa bata, ngunit pinagdududahan ito ng pamilya ng biktima.
“Ito yung firearm natin, which is a caliber 45 tapos yung kaniyang hammer is open siya. That means meron siyang chamber load and yung magazine na nakasaksak sa kaniya is an extended mag,” paliwanag ni Police Major Armando Galigo tungkol sa baril na ginamit ng suspek.
Sinusuri na rin ng Internal Affairs Service kung naging angkop ang naging aksyon ng mga pulis, lalo na’t naganap ang insidente sa isang mataong komunidad.
“Kapag crowded ang area, dapat mag-isip-isip ka. Puwede natin i-let go ang apprehension o arrest ng suspect. We can still do regular filing of case in court,” ayon kay Police Lt. Col. Henry Cay-as.
Ayon kay Ardiente, posibleng isailalim sa karagdagang pagsasanay ang mga pulis depende sa resulta ng imbestigasyon.