May 10, 2026

Home BALITA Probinsya

Ligaw na bala, tumagos sa ulo at leeg ng 12-anyos!

Ligaw na bala, tumagos sa ulo at leeg ng 12-anyos!

Isang 12-anyos na batang babae ang nasawi matapos tamaan ng bala sa gitna ng operasyon ng pulisya laban sa isang armadong suspek sa General Santos City.

Batay sa ulat, hinahabol ng mga pulis ang isang 42-anyos na lalaki na umano’y nagpaputok ng baril sa lugar. 

Sa video na kuha sa insidente, makikitang nakapuwesto ang isang pulis sa gilid ng bahay habang hawak ang kaniyang armas.

Sa gitna ng tensyon, maririnig ang sigaw ng mga residente na nagmamakaawang itigil ang pamamaril dahil may mga bata sa loob ng mga bahay. Sa kabila nito, nagpatuloy ang putukan hanggang sa mapuruhan ang suspek, na kalauna’y natagpuang walang buhay sa damuhan.

Samantala, napag-alamang nadamay ang batang babae na nasa loob ng kanilang bahay. Ayon sa kaniyang lola, tinamaan ito ng bala sa ulo na tumagos hanggang leeg. 

Probinsya

30 volcanic earthquakes, naitala ng Mayon; nakataas pa rin sa Alert Level 3

Isinugod pa siya sa ospital ngunit hindi na naisalba ang kaniyang buhay.

Ayon sa pamilya, sinubukan umano ng biktima na protektahan ang mas maliliit na bata sa pamamagitan ng pagyakap sa kanila habang nagtatago sa ilalim ng kama.

Lumilitaw sa paunang impormasyon na ang bala na tumama sa bata ay maaaring nagmula umano sa baril ng suspek. 

Gayunman, kinukuwestiyon ng pamilya ang naging operasyon ng pulisya, lalo na ang pagpapatuloy ng pamamaril kahit may babala na may mga bata sa lugar. Nanawagan sila ng hustisya para sa nasawing bata.

Dumipensa naman ang pulisya sa isinagawa nilang operasyon at iginiit na alinsunod daw sa kanilang tungkulin ang bakbakan nila laban sa suspek upang maprotektahan ang komunidad.

Tiniyak nilang magsasagawa ng masusing imbestigasyon at rerepasuhin ang kanilang mga umiiral na patakaran upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.