Naglabas ng pahayag si ACT-CIS Representative at senatorial aspirant Erwin Tulfo matapos ibasura ng Commission on Elections (Comelec) ang disqualification case laban sa Tulfo family.
MAKI-BALITA: Disqualification case vs. Tulfo family, ibinasura ng Comelec
Sa naturang pahayag nitong Martes, Marso 4, pinasalamatan ni Tulfo ang Maykapal at ang Comelec para sa aniya’y patas at makatarungang desisyon.
“[N]ais ko pong magpasalamat sa Poong Maykapal. Taos-puso rin akong nagpapasalamat sa 1st Division ng Commission on Elections para sa makatarungan at patas na desisyon nito sa petisyon para ma-disqualify ako bilang kandidato sa May 2025 Senatorial race,” saad ni Tulfo.
“Ang pagkakadismiss ng kaso dahil sa hindi pagsunod ng petitioner sa mga kinakailangang rekisito ng COMELEC ay patunay ng integridad ng ating halalan at ng kahalagahan ng pagsunod sa tamang proseso,” wika niya.
Dagdag pa ng senatorial aspirant, patunay umano ito na matibay ang paninindigan ng Komisyon sa katarungan at pagpapanatili ng kredibilidad ng demokratikong institusyon.
Matatandaang Pebrero 18 nang sampahan ng disqualification case ang magkapatid na Tulfo, kasama ang kamag-anak nilang sina ACT-CIS Rep. Jocelyn Pua-Tulfo (asawa ni Sen. Raffy Tulfo), Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo (anak nina Sen. Raffy at Rep. Jocelyn), at Turismo party-list nominee Wanda Tulfo-Teo (kapatid ng Tulfo Brothers).
Inihain ang disqualification case ng abogadong si Virgilio Garcia, kung saan iginiit nito sa petisyon ang usapin ng “political dynasty.”
MAKI-BALITA: Tulfo Brothers, iba pang kumakandidatong kaanak, sinampahan ng disqualification case