Inabisuhan ng ABS-CBN News ang publiko tungkol sa umano’y ulat ng TV Patrol sa online casino app ni dating senador at “Pambansang Kamao” Manny Pacquiao.
Sa Facebook post ng nasabing media outlet nitong Lunes, Marso 3, sinabi nilang wala raw iniuulat ang TV Patrol tungkol sa nasabing app.
“Walang ulat ang TV Patrol tungkol sa umano’y online casino app ng boksingero at dating senador na si Manny Pacquiao,” saad ng ABS-CBN News.
Dagdag pa nila, “Ginamitan ng deep fake ang video para palabasing inulat ng ABS-CBN News anchor na si Alvin Elchico ang naturang app at gawin ang umano'y pahayag ni Pacquiao.”
Ang deep fake ay pekeng larawan, video, o boses na ginamitan ng artificial intelligence (AI) upang manipulahin ang kahawig na katangian ng isang tao.
Isa umano itong synthetic media na ginagamit upang gawing kapani-paniwala ang isang kasinungalingan.