Nauwi sa aminan ng feelings sina Kapuso artists Buboy Villar at Faith Da Silva nang bumisita ang huli sa “Your Honor.”
Sa latest episode ng nasabing vodcast noong Sabado, Marso 1, isiniwalat ni Faith kung sino ang artistang hinihintay niyang magparamdam.
“Sa lahat ng mga artistang pumorma sa akin, mayro’n kasi akong isang hinintay talaga na medyo matagal. Hinihintay ko lang siya na ano…magtanong,” saad ni Faith.
Dahil dito, naintriga ang host na si Tuesday Vargas kaya lumapit siya kay Faith para ibulong nito ang tinutukoy na artista.
Napahagalpak ng tawa si Tuesday matapos ibulong ni Faith ang pangalan ng artista. Lumapit tuloy si Buboy para alamin din ang tinutukoy ng aktres.
“Sino?” tanong ni Buboy.
Pero sa halip na ibulong, dineretsa na ni Faith si Buboy, “Ikaw.”
Halata namang nagulat si Buboy sa rebelasyon ni Faith.
“No’ng bata pa lang kami nito ni Buboy—’di ko alam kung natatandaan pa niya ito—bata pa lang kami, magkaibigan na kami. Siguro 7 years old yata or 8 years old,” lahad ni Faith.
Dagdag pa niya, “Mayro’ng mga artista na parang pinagtitripan-tripan kami. Ta’s parang sinabi nila sa akin na i-kiss ko raw si Buboy dito [sa pisngi]. Ta’s kiniss ko siya ta’s kilig na kilig talaga ako. Grabe!
Hirit naman ni Buboy, “Tutal, umamin ka. Ako, aamin din ako. Ito, totoo. [...] Kung ano kami ni Faith lalo na kapag nag-AOS tayo. Kung ano talaga ako sa kaniya noon, walang halong kaplastikan ‘yon. Talagang gustong-gusto ko talaga si Faith.”
“Sa sobrang gusto ko si Faith, napangunahan lang talaga ako ng kaba. Siguro kinuwestiyon ko rin ‘yong sarili ko. Na parang sasapat ba ako sa isang Faith Da Silva?
Kaya naman mas pinili na lang daw ni Buboy na suportahan na lang si Faith sa mga ginagawa nito sa buhay. Samantala, si Faith naman ay masaya raw para kay Buboy na may love life na ngayon.
Matatandaang sa isang panayam noong Enero ay inamin ni Buboy na may nagpapasaya at nag-aalaga na raw sa kaniya.
MAKI-BALITA: Buboy Villar pinapasaya, inaalagaan ng bagong non-showbiz partner