Nagbigay ng reaksiyon ang Palasyo hinggil sa ibinunyag na impormasyon ni Senate Pro Tempore Ping Lacson na umano'y ilang mga retiradong opisyal ng militar ang nagpaplano ng "People Power Revolution" laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Sa isang panayam sa isang estasyon sa radyo, sinabi ni Lacson na nakarating sa kaniyang kaalaman ang tungkol sa balak na umano'y paghingi ng tulong ng mga nabanggit na retiradong military officers sa kasalukuyang hanay ng kasundaluhan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Naniniwala raw si Lacson na kung "professional" ang AFP, hindi raw magtatagumpay ang sinasabing "power grab" para mapaalis sa puwesto si PBBM.
Aniya pa, batay raw sa kaniyang source, hindi umano uusad ang nabanggit na balak.
Nagbigay naman ng pahayag tungkol dito si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, sa isinagawang press briefing nitong Lunes, Abril 27.
Ayon kay Castro, nararapat daw na imbestigahan na ito kahit na wala pang utos mula sa Pangulo.
"Unang-una po, kung ito ay mapapatunayan, dahil si Senator Lacson naman ay hindi natin matatawaran kapag nagsalita ito, ito ay may resibo. So, muli ang mga investigating bodies natin, hindi na po kayo kailangang utusan, gawin na po ninyong mag-imbestiga," aniya.