Marami umanong nag-usisa sa batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin kung galit ba siya kay comedy queen Ai Ai Delas Alas.
Sa isang episode ng “Cristy Ferminute” noong Martes, Pebrero 25, nilinaw ni Cristy na mas nalulungkot daw siya para kay Ai Ai kaysa nagagalit.
“Alam n’yo po, hindi ko po pwedeng gamitin ‘yong salitang ‘galit ako.’ Mas gusto ko pong piliin ‘yong salitang ‘nalulungkot ako,’” saad ni Cristy.
“Nalulungkot ako sa kaniyang mga ginagawa ngayon dahil nakikita ko ‘yong balik sa kaniya ng mga komentong nababasa ko,” pagpapatuloy niya. “Nakikita ko na hindi makagaganda sa kaniyang karera ‘yong pagiging bitter niya.”
Dagdag pa ng showbiz columnist, “Nakakalungkot po ang gano’n. Pinipitik po talaga para magising pero ‘yong galit, wala sa puso ko ‘yan. Kasi, nakilala rin naman si Ai Ai noon ng mahabang panahon.”
Matapos kasing ianunsiyo ni Ai Ai sa publiko ang hiwalayan nila ng mister niyang si Gerald Sibayan ay may ilan siyang post na tila patungkol umano kay “cheater.”
MAKI-BALITA: Ai Ai may update kay 'Cheater,' bumili ng ring para sa bagong babae?
MAKI-BALITA: May nabalitaan kay 'Cheater,' pasabog ni Ai Ai: 'Take note si mistress ay Pilipina!'
Matatandaang sa isang panayam ay inamin ni Ai Ai na may kutob daw siyang may iba nang babae si Gerald. Bukod dito, ibinahagi rin niya ang tungkol sa umano’y pagtataksil nito sa kaniya noong 2019.
MAKI-BALITA: Gerald Sibayan, may ibang babae nga ba?
Ngunit ayon kay Cristy, hinahanap daw niya kay Ai Ai kung kailan daw nito tatanggapin ang katotohanan na wala na sila ng mister nito lalo na’t wala namang naririnig ang publiko mula sa panig ni Gerald.
“Siya lang naman itong atake nang atake,” sabi pa ni Cristy.