Pinasalamatan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro matapos nitong tiyakin na bilang akusado, bibigyan naman ng proteksyon ng gobyerno ang mambabatas basta’t ito ay nakabase sa umiiral na batas.
Kasunod ito ng panawagan at hiling na proteksyon ni Dela Rosa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laban sa banta ng posibleng pag-aresto sa kaniya, kaugnay sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya para sa kasong crimes against humanity.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Bilang Pilipino, protektahan mo rin ako!’ Sen. Bato, nananawagan kay PBBM-Balita
Sa pakikipanayam ni Dela Rosa sa media nitong Miyerkules, Mayo 13, iginiit niyang hindi ito panloloko a press officer.
“Hello, Ante Claire, Usec. Claire. Huwag kang magalit sa’kin, ha? Hindi kita niloloko,” saad ni Dela Rosa.
“Nagpapasalamat lang ako doon sa sinabi mo kanina that this government is willing to give me all the rights, and iyong i-avail ko ‘yong mga legal remedies,” dagdag pa niya.
Matatandaang iginiit ni Usec. Castro na kung sakaling maaresto nga si Dela Rosa, handa namang ibigay dito ang mga karapatan niya bilang akusado.
“So, ang akusadong katulad ni Senator Bato ay humingi ng proteksyon—lahat naman po ay bibigyan ng proteksyon na naaayon sa batas. Kapag naaresto—kung naaresto man po siya, kung maaaresto man po siya—lahat ng karapatan bilang isang akusado ay ibibigay po sa kaniya,” saad ni Usec. Castro sa ginanap na press briefing ng PCO noong Martes, Mayo 12.
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo sa paghingi ni Sen. Bato ng proteksyon kay PBBM: 'Maski EJK victims, humihingi ng proteksyon!'-Balita