May 21, 2026

Home BALITA Politics

‘Bilang Pilipino, protektahan mo rin ako!’ Sen. Bato, nananawagan kay PBBM

‘Bilang Pilipino, protektahan mo rin ako!’ Sen. Bato, nananawagan kay PBBM
Photo courtesy: Senator Ronald "Bato" Dela Rosa (FB live screenshot), MB

Nanawagan ng proteksyon si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasunod ng kumpirmasyon ng International Criminal Court (ICC) ng kaniyang arrest warrant noong gabi ng Lunes, Mayo 11. 

MAKI-BALITA: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa

“Mr. President, Sir, alam kong wala kang personal na galit sa akin. Sana naman bilang ama ng ating bansa, alagaan mo ang iyong mga anak. Alagaan mo lahat ng Pilipino. Sana alagaan mo kami, wag mo kaming ibigay sa mga dayuhan,” pakiusap ni Dela Rosa kay PBBM. 

Saad pa ni Dela Rosa, bilang senador, ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya para sa bayan. 

Ang pakiusap niya raw na ito ay hindi lamang para sa kaniyang sarili, kung hindi para na rin daw sa lahat ng Pilipinong malalagay sa kaparehang sitwasyon. 

Politics

Sen. Loren, niligwak na rin ng Kislap Diwa na pinangangasiwaan niya!

“As I’ve said, hindi lang sa akin kung hindi para sa lahat ng Pilipino. Huwag n’yo pong ipagkanulo ang inyong kapwa Pilipino sa mga banyaga. Alam mo, Sir, anong paghihirap mo sa pagseserbisyo. Ginawa ko ang lahat para sa bayan, hindi ‘yon para sa sarili kong kapakanan. Hindi ako nagpayaman sa serbisyo. Nagtrabaho ako nang husto. Faithfully,” ani Dela Rosa. 

“Kaya itong appeal ko rito, sa kaniya [PBBM], lahat ng mga Pilipinong malalagay sa ganitong sitwasyon. Hindi natin alam. Pagdating ng araw, ikaw din, Mr. President, haharap sa ganitong sitwasyon. Ikaw din, Mr. President, pag nagkaproblema ng ganito, malalaman mo. You will feel what I feel right now,” maluha-luhang dagdag ng Senador. 

Nang tanungin ng media bakit siya naiiyak habang umaapela sa pangulo, binanggit ni Dela Rosa na tao lamang siya na nakakaramdam at ang kaniyang apela ay bukal sa kaniyang puso. 

“Tao lang ako, hindi ako robot, hindi ako makina. My appeal to the President is sincere,” saad ni Dela Rosa. 

Bukod pa rito, binanggit din ng Senador na patuloy niyang isinasabuhay ang mga itinurong aral sa Philippine Military Academy (PMA) na katapangan, integridad, at katapatan. 

“Yung ideals ng PMA, yung courge, integrity, and loyalty, isinasabuhay ko ‘yan. Lahat ‘yan ginawa ko tapos ganito mangyayari sa akin?” mariing saad ni Dela Rosa. 

Kaya hiling niya, huwag siyang ipadala ni PBBM sa The Hague, na kinalalagyan ng ICC. 

“Huwag niya [PBBM] akong ipadala sa The Hague. Ayon lang naman, kahit saang court sa Pilipinas. Pareho tayong Pilipino, Mr. President. Kung puwede lang, kung mayroon akong pananagutan, pananagutan ko sa local court, wag doon sa banyaga [ICC court],” hiling ni Dela Rosa. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Dream come true daw?' Netizens, binalikan dating post ni Sen. Bato Dela Rosa