May 22, 2026

Home BALITA National

Palasyo sa paghingi ni Sen. Bato ng proteksyon kay PBBM: 'Maski EJK victims, humihingi ng proteksyon!'

Palasyo sa paghingi ni Sen. Bato ng proteksyon kay PBBM: 'Maski EJK victims, humihingi ng proteksyon!'
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


Mariing inilahad ng Malacañang na gaya ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na humihingi ng proteksyon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang mga umano’y biktima ng extrajudicial killings ay humihingi rin nito sa pamahalaan.

Kaugnay ito sa panawagan ni Sen. Dela Rosa kay PBBM na siya ay bigyan ng proteksyon sa banta ng posibleng pag-aresto sa kaniya, hinggil sa inilabas na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa mambabatas para sa kasong crimes against humanity.

“Mr. President, Sir, alam kong wala kang personal na galit sa akin. Sana naman bilang ama ng ating bansa, alagaan mo ang iyong mga anak. Alagaan mo lahat ng Pilipino. Sana alagaan mo kami, wag mo kaming ibigay sa mga dayuhan,” saad ni Dela Rosa sa kaniyang panayam sa media nitong Martes, Mayo 12.

MAKI-BALITA: ‘Bilang Pilipino, protektahan mo rin ako!’ Sen. Bato, nananawagan kay PBBM-Balita

Ayon naman kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro, ibibigay naman ito ng gobyerno basta’t nakaayon sa umiiral na batas.

“Maski naman po ‘yong mga [extrajudicial killings] EJK victims ay humihingi rin po ng proteksyon sa gobyerno,” saad ni Usec. Castro sa ginanap na press briefing ng PCO nitong Martes, Mayo 12.

Aniya, “So, ang akusadong katulad ni Senator Bato ay humingi ng proteksyon—lahat naman po ay bibigyan ng proteksyon na naaayon sa batas.”

“Kapag naaresto—kung naaresto man po siya, kung maaaresto man po siya—lahat ng karapatan bilang isang akusado ay ibibigay po sa kaniya,” dagdag pa ni Castro.

Habang isinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang nasa ilalim ng protective custody ng Senado si Dela Rosa.