Kamakailan lamang, pormal nang umatras si Atty. Nicholas Kaufman bilang lead legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay sa mga kasong kinahaharap nito sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa madugong war on drugs noong nakaraang administrasyon.
Sa isang pahayag, inilahad ni Kaufman na isang pribilehiyo na irepresenta si FPRRD sa naturang korte.
Pinasalamatan niya rin ang mga tagasuporta ng dating Pangulo sa appreciation ng mga ito sa kaniya.
MAKI-BALITA: Atty. Kaufman sa pagiging legal counsel ni FPRRD: 'It has been a privilege!'-Balita
Matapos ang withdrawal ni Kaufman, inanunsyo niya namang naipakilala na kay FPRRD ang bago nitong abogado—na siyang pinili ng anak nitong si Kitty Duterte at inang si Honeylet Avanceña.
Gayunpaman, sa mga oras na iyon, hindi pa pinangalanan ang nasabing abogado.
MAKI-BALITA: Bagong abogado ni FPRRD, pinili nina Honeylet at Kitty!-Balita
Ngunit noong Martes, Marso 12, inanunsyo na ng ICC ang bagong abogado ni FPRRD, na siyang hahalili sa iniwang puwesto ni Kaufman.
Ayon sa ICC, ang British-lawyer na si Peter Haynes na ang bagong lead legal counsel ng dating Pangulo.
Dahil dito, sino nga ba si Peter Haynes?
Si Peter Haynes ay isang British-lawyer na nanilbihan bilang dating pangulo ng ICC Bar Association.
Kung pag-uusapan ang karanasan na may kinalaman sa kasong crimes against humanity, dati nang humawak nang ganitong kaso si Haynes.
Nanilbilhan siya bilang legal counsel ni dating Democratic Republic of Congo Vice President Jean-Pierre Bemba para sa kasong crimes against humanity.
Matapos ang paglilitis, napawalang-sala si Bemba noong taong 2018.
Naging kliyente niya rin ang Ugandan militant na si Joseph Kony sa ICC, pati na rin si Bosnian Serb General na si Vinko Pandurević.
May karanasan din si Haynes sa mga mabibigat na kasong may kinalaman sa murder, human trafficking, genocide, war crimes, at iba pa.
Inaasahang dedepensahan ni Haynes si FPRRD sa mga darating na paglilitis ng ICC hinggil sa mga kaso nito.