Pinanindigan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na hindi raw siya tanga para magpadakip sa International Criminal Court (ICC).
Sa radio program na “Ted Failon DJ Chacha” nitong Miyerkules, Mayo 13, inusisa si Dela Rosa kung paano niya pagtutugmain ang mga nauna niyang pahayag kaugnay sa kahandaan niyang magpaaresto sa ICC samantalang sa CCTV footage na inilabas kamakailan sa Senado ay makikita ang pagkukumahog niyang tumakas mula sa mga awtoridad na gusto siyang damputin.
Aniya, “That’s basic human instinct, self-preservation. E, sino ba naman ang tanga na gustong magpahuli? Sabihan n’yo na lang na ako ay duwag. Pero hindi ko matatanggap na sabihan na ako ay tanga.”
“Alam na huhulihin ka, magpapahuli ka. Hindi po ako gano’n katanga. ‘Yong nangyari sa hagdanan, run for life ‘yon,” dugtong pa ni Dela Rosa.
Ayon sa senador, lumabas umano ang tapang niya noon dahil panatag siyang hindi sila ipagkakanulo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ICC.
“Alangan namang magtapang-tapangan pa rin ako na hamunin ko si President BBM na, ‘Sige, i-surrender n’yo ako do’n,’” katwiran ni Dela Rosa.
Matatandaang kinumpirma na ng ICC na ang kumakalat na arrest warrant laban kay Dela Rosa ay opisyal na dokumento ng korte na inilabas ng tribunal.
Maki-Balita: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa
Sa kasalukuyan, nagkakanlong sa loob ng Senado si Dela Rosa matapos siyang gawaran ng protective custody. Samantala, kinilala naman ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ang desisyong ito ng Mataas na Kapulungan.
Maki-Balita: Lockdown, ipinatutupad sa Senado kasunod ng pagbulaga ni Sen. Bato
Ngunit ayon sa Department of Justice (DOJ), puwede umanong isuko sa ICC ang senador sa ilalim batas ng Pilipinas.
“Under RA 9851, we may surrender a suspected or arrested person in the Philippines to the appropriate international court or tribunal. The other mode is extradition," ani DOJ spokesperson, Atty. Polo Martinez.