Ipinaliwanag sa publiko ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang dahilan sa likod ng pagkanta niya ng Philippine Military Hymn sa harap ng media sa kabila ng nakaambang warrant of arrest laban sa kaniya ng International Criminal Court (ICC).
Umani ng reaksiyon sa publiko ang video ni Dela Rosa sa social media na kinakanta ang isang himno ng kapulisan nitong Miyerkules, Mayo 13, 2026.
Ayon sa naging pahayag ni Dela Rosa sa panayam sa kaniya ng media nitong Miyerkules, nilinaw niyang hindi raw siya umaapela ng marahas na suporta sa kaniyang mga kabarong pulis, bagkus nananawagan siyang suportahan siya ng kaniyang mga kasamahan sa mapayapang paraan.
“I am not appealing for violent support, I am appealing for peaceful support,” pagsisimula niya.
Ani Dela Rosa, sa mga kabaro na lang daw niyang pulis siya mananawagan kung hindi mapapakinggan ng gobyerno ang kaniyang pakiusap na dapat siya nitong maprotektahan mula sa ICC bilang isang Pilipino.
“Para naman makita ng gobyerno natin kung hindi nila pinapakinggan ‘yong aking pakiusap na ako ay isang Pilipino na humihingi ng suporta galing sa inyo,” aniya.
Dagdag pa niya, “Dapat sana ay huwag ninyo akong ipagkanulo sa mga dayuhan. ‘Yan po ang aking apela sa aking mga kabaro, sa mga kapulisan who are placed in the same boat.”
Anang senador, buong buhay daw siyang naging sobrang tapat para magbigay ng serbisyo sa mga Pilipino at sa bansang Pilipinas kaya raw hindi niya dapat sapiting mahuli ng mga banyaga.
“Para sa akin, I’ve been very faithful in bringing out, carrying out my service with the Filipino people, for this country, for my whole life,” diin niya.
“Tapos ngayon, itong sasapitin sa akin? Posibleng mangyari rin ‘yan sa kanila,” pagtatapos pa ni Dela Rosa.
Matatandaang kinumpirma na ng ICC ang inisyu nilang warrant of arrest laban kay Dela Rosa noong Lunes, Mayo 11, at tangkain ng National Bureau of Investigation na arestuhin siya habang papasok ng Senado para dumalo sa kanilang sesyon.
Sa kasalukuyan, nananatili pa rin si Dela Rosa sa loob ng Senado mula pa noong Lunes upang sumailalim sa kustodiya ng Senado.
KAUGNAY NA BALITA: 'Hinarang ako!' Sen. Bato, galit na sumulpot sa Senado
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga dahilan ni Sen. Bato para muling pumasok sa Senado