Bumulaga si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado nitong Lunes, Mayo 11, 2026 matapos ang ilang buwan niyang pagtatago bunsod ng banta umano ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Sa pagdating ni Dela Rosa sa plenaryo, emosyonal niyang ibinahagi sa media na hinarang umano siya upang hindi makadalo sa sesyon ng Senado.
“Hinaharang 'di papasukin sa session. Noong ako'y absent, hinahanap ako ninyo, sumusweldo, hindi nagpapakita. Ngayon, papakita ako dito, hinarang ako. Ni-wrestling ako,” ani Dela Rosa sa media.
Nang tanungin ng media kung bakit biglaang sumulpot si Dela Rosa sa Senado, pagdidiin niya, "This is the Senate! Wala silang respeto sa institusyon ng Senado!”
Hirit pa niya, “I am a senator of this Republic! Kung di ako papasok, hinahanap n'yo ako, ngayon papasok ako tatanungin n'yo ako bakit ako pumapasok.”
Muling bumalik si Dela Rosa sa Senado matapos ang ilan buwan niyang pagliban—sakto sa botohan ng mga senador upang patalsikin ang liderato ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III, bilang Senate President.
Kabilang si Dela Rosa sa minorya at Duterte block na sumang-ayong iluklok si Sen. Alan Peter Cayetano bilang bagong Pangulo ng Senado—ilang oras bago naman ang inaasahang botohan ng House of Representatives upang ma-impeach si Vice President Sara Duterte.