February 21, 2025

Home BALITA Eleksyon

Nadine Lustre, inendorso ang ML Partylist

Nadine Lustre, inendorso ang ML Partylist
ML Partylist/FB

Inendorso ng actress-singer na si Nadine Lustre ang Mamamayang Liberal (ML) partylist na pinangungunahan ni dating Senador Leila de Lima. 

Sa inilabas na 1-minute video nitong Huwebes, Pebrero 20, nagbigay-suporta si Lustre sa naturang partylist. 

“Realtalk. Sawa na ba kayo? Sawa na sa mga abusado sa kapangyarihan? Sa mga nasa pwesto na hindi marunong magpaliwanag kung saan napunta ang pera ng bayan," saad ng aktres kung saan na-highlight ang mga kontrobersiya tungkol sa confidential funds, illegal  Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs, atbp.

"At yung drama, okay lang sa pelikula at sa TV pero 'pag sa gobyerno na, ibang usapan na 'yan. Nakakapagod. Pero, may laban tayo," dagdag pa ng aktres. 

Eleksyon

VP Sara, inendorso si Sen. Bato: 'Matibay ang Bato, Hindi matitibag ang Bato!'

Ipinakita rin sa video ang acquittal ni De Lima sa kaniyang ikatlo at huling drug case. 

"Si Manay Leila de Lima ilang taong ikinulong nang walang kasalanan pero lumaban. Ngayon, kasama niya ang ML Partylist para ipaglaban ang katarungan, pananagutan, at tunay na representasyon," saad pa ni Lustre.

Bukod kay De Lima, sina Teddy Baguilat Jr., at Erin Tañada naman ang second at third nominees ng ML Partylist. 

“ML na ako. Tara, ML na din kayo!” pagtatapos pa ng aktres.