April 23, 2025

Home BALITA National

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa bansa

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa bansa
Courtesy: PAGASA/website

Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Huwebes, Pebrero 20, na tatlong weather systems ang patuloy na nakaaapekto sa bansa.

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang weather system na shear line—na tumutukoy sa linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Visayas, MIMAROPA, Bicol Region, Caraga, Laguna, Rizal, at Quezon.

Malaki naman ang tsansang magdudulot ang northeast monsoon o amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora.

Pinag-ingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

National

Atty. Kaufman, nagsalita sa umano'y 'request' hinggil sa ID requirements ng EJK victims

Malaki rin ang tsansang magdudulot ang hanging amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging mga pag-ulan dito.

Samantala, inaasahang magdadala ang weather system na easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Mindanao. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).