Hindi nagbigay ng detalye si Kapamilya actor Sam Milby kung bakit hindi na sila magkaibigan ng OPM singer na si Moira Dela Torre, sa naganap na media conference para sa "Saving Grace" nitong Martes, Pebrero 18, na malapit nang ipalabas sa free TV.
Mariin ding itinanggi ni Sam na si Moira ang dahilan kung bakit naghiwalay sila ng kaniyang ex-fiancee na si Miss Universe 2018 Catriona Gray.
Close na sila noon pa man ni Moira dahil pareho silang nasa ilalim ng Cornerstone Entertainment, subalit wala raw namagitan sa kanila romantically.
"Sobrang close kami before [Moira], and I guess people wanted to connect our closeness to may nangyari sa amin," aniya.
Nauntag pa ni ABS-CBN showbiz news reporter MJ Felipe kung magkaibigan pa ba sila ni Moira.
"We are not friends anymore," pakli ng aktor.
Hindi na nagdetalye pa si Sam kung bakit nag-falling out ang kanilang friendship ni Moira, subalit mukhang "sensitive" ang pinag-ugatan nito.
"It's an issue that's really sensitive," aniya.
Matatandaang noong Enero ay napabalita ang pag-unfollow ng ilang Cornerstone artists na sina Erik Santos, Yeng Constantino, TJ Monterde, at maging si Sam Milby sa Instagram account ni Moira.
Naibalita naman ng showbiz insider na si Ogie Diaz sa kaniyang entertainment vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update" na binitiwan na raw ng Cornerstone Entertainment si Moira bilang artist nila.
Sumunod nito, usap-usapan naman ang umano'y hindi pagbeso ni Catriona kay Moira sa isang event ng dental clinic, kung saan pareho silang brand ambassador.
Kamakailan lamang, tila makahulugan naman ang post ni Moira tungkol kay "Sam."
Pero napag-alamang ang tinutukoy niya pala ay ang singer, performer, at aktor na si Sam Concepcion.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Moira patungkol sa rebelasyon ni Sam.
MAKI-BALITA: Pasabog ni Sam tungkol kay Moira: 'We are not friends anymore'