May kumakalat na tsikang hindi raw bet ng lead stars ng pelikulang "Everything About My Wife" na sina Dennis Trillo, Jennylyn Mercado, at Sam Milby ang final output ng kanilang sariling pelikula nang mapanood na nila ito.
Ang Everything About My Wife ay unang pagtatambal sa pelikula ng real-life couple na sina Dennis at Jennylyn, at unang beses na makakasama nila ang Kapamilya actor na si Sam Milby.
Pero sina Jen at Sam, nagkasama na sa pelikulang "The PreNup" noong 2015, kaya pangalawang beses na ng Kapuso star na makasama sa proyekto ang Kapamilya star.
Nagpadala naman ng mensahe ang PR and Brand Partnerships Manager ng CreaZion Studios na si Maureen Manuel sa Balita para pabulaanan ang mga kumalat na tsikang hindi nagustuhan ng tatlo ang pelikula nila, nang mapanood na ito.
Sa katunayan nga raw, hindi pa raw napapanood ng tatlo ang pelikula.
Mensahe nila sa Balita published as is, "We want to refute some claims sana na kumakalat at the moment. Allegedly, some said that the lead actors Jennylyn, Dennis, and Sam had seen the film and didn’t like it."
"Pero sa totoo lang po, they haven’t seen the film. Ang nakakakita palang ng film is kami, mga internal team, and mga cinema exhibitors na nagpunta sa advance screening last week."
"As per cinema exhibitors, nagustuhan nila ang movie namin," anila.
Bukod sa CreaZion Studios, kabilang din sa producers ng pelikula ang GMA Pictures, na idinerehe naman ni Real Florido. Mapapanood na ito sa mga sinehan sa Pebrero 26.