Mukhang open o bukas na ulit bumida sa isang teleserye ang dating Kapamilya star na si Liza Soberano.
Sa isinagawang panayam sa kaniya ng ABS-CBN News matapos dumalo sa isang product launch sa Makati City noong Huwebes, Pebrero 6, sinabi ni Liza na open naman siya sa paggawa ulit ng teleserye, basta't naghihintay lang daw siya na makapagpapa-excite sa kaniya.
"I'm just looking for anything that really excites me and really kakaiba," aniya.
Hindi naman tinukoy ni Liza kung may offer na ba ulit ang Kapamilya Network sa kaniya, o kung may posibilidad na gumawa siya ng serye sa ibang TV network, kagaya na lamang ng GMA.
Nabanggit din ni Liza sa panayam ang posibilidad na muli silang magsama sa isang proyekto ng dating on-screen partner na si Enrique Gil, na bago raw at may kakaibang konsepto, at puwede raw lalong magpaangat pa sa pelikulang Pilipino.
"We're trying to come up with the concept that we can do together in the future, and, I cannot guarantee it is in the next year, the concept needs to be fleshed out. It is something new," ani Liza.
MAKI-BALITA: LizQuen may binabalak na proyekto, lalo pang mag-aangat sa pelikulang Pilipino?
Noong 2024 ay pinasok na rin ni Enrique ang pagiging isang producer, at si Liza naman ay naglunsad na ng kaniyang sariling production company.
Muling bumalik sa Pilipinas si Enrique para ipagpatuloy ang kaniyang career. Noong 2024, kabilang siya sa horror movie na "Strange Frequencies: Taiwan Hospital Killer Hospital" na isa sa mga opisyal na lahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ang huling teleserye naman ng LizQuen sa ABS-CBN ay "Make It With You" subalit naputol ito nang dahil sa pandemya at pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN.