Nausisa si BINI member Stacey Sevellija tungkol sa kung may kompetisyon umanong namamagitan sa kanilang grupo at sa all-male Pinoy pop group na SB19.
Sa latest episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Biyernes, Enero 31, sinabi ni Stacey na hindi raw nila nakikita bilang kalaban ang grupong binubuo nina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin.
“Hindi po talaga namin sila nakikita as our kalaban-kalaban,” saad ni Stacey. “Kasi ‘yong friendship po namin on and off cam sobrang genuine po.”
“And talagang sine-celebrate po namin ‘yong pag-angat ng OPM together,” dugtong pa niya.
Samantala, sa pagitan naman nilang magkakagrupo, wala na raw umiiral na kompetisyon sa pagitan nila ayon sa isa pang miyembro ng BINI na si Mikha Lim.
Ayon sa kaniya, “I think before it was a competition talaga kasi hindi pa final ‘yong line up. May tanggalan. Pero ngayon, parang feeling ko, competition in a way na we all want to improve; we don’t want to be stagnant in what we’re doing.”
“So lahat po kami willing to improve; willing to be better. So I think we all motivate each other in doing better,” dagdag pa ni Mikha.
Matatandaang sa isang episode ng “Fast Talk” noong Agosto 2024 ay inihayag ng SB19 ang kanilang pagkatuwa sa nakakamit na tagumpay ng BINI sa kasalukuyan.