Naitalang lumobo sa higit 4,000 ang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa Pilipinas noong huling quarter ng 2025, batay sa datos ng Department of Health (DOH).
Saad pa sa nasabing datos, sa 4,277 na kabuoang bilang ng HIV mula Oktubre hanggang Disyembre 2025, may 565 na mula sa mga indibidwal na nasa edad 15 pababa; sinundan ito ng 32% o 1,361 dito ay mga indibidwal na nasa edad 15 hanggang 24.
Nasa 45% o 1,929 naman ang mga indibidwal na nasa edad 25 hanggang 34; nasa 19% o 821 ang mga nasa edad 35 hanggang 49; at 2% o 101 ang mga nasa edad 50 pataas.
Sa kabuoang bilang din ng HIV, binubuo ito ng 94% o 4,038 na kalalakihan habang ang 6% o 239 rito ay mula sa kababaihan.
Pangunahing mode of transmission ng HIV ang sexual contact o pakikipagtalik, sinundan ito ng male to male sex, female sex, at male to female sex.
Mayroon ding naitalang pagkakahawa ng HIV mula sa infected needles at mother-to-child transmission.
Mula rin Oktubre hanggang Disyembre 2025, tinatayang 141 pagkamatay ang naitala mula sa mga indibidwal na diagnosed ng HIV.
Sa kaugnay na ulat, binanggit ng DOH noong Disyembre 2025 na dahil isang “evolving epidemic” ang HIV sa bansa, posible pa itong umakyat hanggang higit 457,000 ang bilang ng people living with HIV (PLHIV) pagdating ng 2030.
Matatandaan namang inanunsyo ng DOH noong Pebrero na bilang tugon sa epidemya ng HIV sa bansa, inaasikaso na nila ang pagdating ng US-grade HIV treatment na “Lenacapavir” para sa medikasyon ng PLHIV kada anim na buwan.
“For people living with HIV, naku-cure na naman ‘yan [HIV]. You shouldn’t die basta nati-treat ka early. So, very important na nati-treat sila with antiretrovirals o ‘yong injectibles kapag dumating para humaba at umayos ang kanilang buhay,” saad ni DOH Sec. Ted Herbosa.
MAKI-BALITA: US-grade HIV treatment, malapit nang dumating sa Pilipinas – DOH
SA KABILA NG MGA TALANG ITO, ANO NGA BA ANG HIV?
Ang HIV ay isang virus na nagdudulot ng lubos na paghihina ng immune system o immunodeficiency, na kalauna’y nagiging dahilan ng pagkasira ng white blood cells sa katawan, na nagsisilbing immunity at proteksyon ng katawan laban sa sakit.
Sa lubos na pagkaubos ng white blood cells, posible na itong mauwi sa Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) na isang kondisyong dulot ng HIV.
PAANO ITO KUMAKALAT?
Katulad ng nabanggit sa report ng DOH, nakukuha ang HIV sa pamamagitan ng unprotected sex dahil sa pagkakalipat ng anumang body fluid tulad ng semilya o dugo.
Bukod sa pakikipagtalik, nakukuha rin ang HIV sa hiringgilya o iba pang drug injection equipment, mother-to-child o perinatal transmission, at pagtanggap ng blood o organ donation.
MGA SINTOMAS NG HIV
Ayon sa DOH, ang early symptomatic infection ng HIV ay kadalasang lumalabas sa unang tatlo hanggang anim na linggo matapos ang exposure. Ilan dito ay ang mga sumusunod:
- Lagnat
- Chills o panginginig
- Fatigue o pagkapagod
- Rashes o mga pantal
- Muscle pains, joint pains o pananakit ng mga kalamnan
- Sore throat o pananakit ng lalamunan
- Pamamaga ng lymph nodes o kulani
- Mouth ulcers o mga singaw
MAY LUNAS NA BA SA HIV?
Ayon pa sa DOH, habang wala pang lunas ang HIV, ang combination drugs na kilala bilang anti-retroviral therapy (ART) ay nakatutulong upang mapabagal at kalauna’y mapahinto ang pag-usad ng HIV sa katawan.
Ilan pa sa itinuturing na preventive measures para sa HIV ay ang pre-exposure prophylaxis (PrEP) na itinuturing na isang “revolutionary tool” upang labanan ang risk ng HIV, at kadalasang ginagamit sa mga indibidwal na mayroong mataas na panganib ng pagkakaroon ng HIV.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Paano ka pinoprotektahan ng PrEP at condom kontra HIV at AIDS?