Isang life jacket na sinuot umano ng isang “first class passenger” sa kalagitnaan ng malagim na paglubog ng prestihiyosong barkong RMS Titanic ang nabili sa isang auction sa halagang $906,000, o aabot sa humigit-kumulang ₱53.9 milyon!
Base sa ulat ng Associated Press (AP), sinuot ng isang babaeng nagngangalang Laura Mabel Francatelli ang life jacket—na nakalinya sa isang auction na pinangasiwaan ng auctioneers na sina Henry Aldridge & Son sa kanlurang bahagi ng England noong Sabado, Abril 18.
Batay pa sa ulat, makikita sa nabanggit na memorabilia ang pirma ni Francatelli, at iba pang survivors ng paglubog ng Titanic.
Nabenta umano ang Titanic memorabilia sa hindi pinangalanang telephone bidder.
Matatandaang lumubog ang RMS Titanic sa North Atlantic Ocean, matapos itong humampas sa isang iceberg malapit sa Newfoundland, sa gitna ng paglalayag nito patungong New York noong Abril 15, 1912.
Tinagurian pa nga ang barkong ito bilang “most luxurious ocean liner” at “practically unsinkable.”