"Justice served" para sa Pilipinang healthcare worker na si Apple Moorhouse na hinatulan ng walong linggong pagkakakulong ang matandang mag-asawa mula sa United Kingdom matapos mapatunayang guilty o nagkasala sa reklamo niyang "racial attack" matapos ang naging insidente sa pagitan nila, sa isang parke noong Agosto 2025, na nag-ugat naman sa alagang aso ng dalawa.
Ayon sa ulat ng international news outlet, kulong sa loob ng walong linggo ang mag-asawang sina Michael Bairstow at Fyona Bairstow, edad 77 at 72, matapos mag-viral ang video ng pagmumura, panlilibak, at pananakit nila kay Apple Moorhouse sa isang parke.
Si Moorhouse ay nurse na nagtatrabaho sa National Health Service. May asawa siyang Briton at may dalawa na silang anak.
Ayon pa sa ulat, bukod sa pagkakapiit, inutusan pa ng korte ang mag-asawa na magbayad ng tig-£175 o humigit-kumulang ₱14,097 kay Apple bilang kabayaran.
Naganap ang insidente sa Manor Heath Park noong nakaraang Agosto 2025.
Sinasabing kasama noon ni Apple ang kaniyang mga anak na edad 11 at 6, pati ang kaniyang mga magulang, nang sabihan niya ang lalaking Briton na itali ang aso nito matapos tahulan ang kaniyang bunsong anak.
Dahil dito, nagalit ang mag-asawa kay Apple at pinagsisigawan na siya. Nilait din nila ang kaniyang pinagmulang lahi.
Ayon kay Apple, sinigawan daw siya ni Michael ng, “Shut up… go back to where you came from,” habang si Fyona naman ay pinagtawanan ang kaniyang ama at sinabing hindi ito marunong mag-English.
Tinawag din umano nitong “slavery” ang trabaho ni Moorhouse bilang healthcare worker.
Lalo pang lumala ang gulo nang utusan umano ni Michael ang kaniyang aso na sugurin si Apple bago binuhusan ito ng tubig mula sa painuman ng aso.
Habang papalayo si Apple, hinila naman umano ni Fyona ang kaniyang buhok at sinabunutan. Tinangka rin nitong kunin ang cellphone niya kung saan nakuhanan niya ang video ng naging pagtatalo nila. Napahiga pa sa lupa ang matandang babae.
Nang dumating ang mga pulis, nakaalis na ang elderly couple. Pero ginamit ni Apple ang social media para matunton ang pagkakakilanlan ng dalawa. Ipinost niya sa social media ang kuhang video ng anak sa mga pangyayari.
Iginiit ni Apple na hindi siya pumapatol sa mga nakatatanda subalit ginawa niya ang paglaban bilang proteksyon sa mga anak.
Ayon sa abogado ng mag-asawa na si Raza Hussain, umamin ang dalawa sa kasong racist assault at nagsisisi umano sa kanilang ginamit na mapanlait na salita.
Para naman kay Apple, isa itong malinaw na halimbawang hindi pinalalagpas ang racism at dapat managot sa batas lalo na kung may kasamang pananakit.
Nagpahayag si Apple ng kaniyang kasiyahan sa Facebook post niya noong Abril 16 matapos makamit ang inaasam na hustisya.
"I'm not sure how I should feel, but I hope this will send a clear message to everyone that racism is a crime and cannot be ignored," aniya.
Sa isa pang Facebook post, sinabi ni Apple na sa wakas daw, makakatulog na siya nang maluwag at makakapag-move on na, matapos ang mga pinagdaanan.
"It has been a rough week, and it just sank in what has happened."
"After 8 months, I can now finally close this chapter and move on to the next one."
"I know some of you have been saying they should have gotten longer, but for me, this is more than enough."
"I didn't want nor wish for them to go to jail, but it wasn't my decision to make."
"I respect the court's decision and the legal process that has led us here."
"Please don't wish for them to get hurt; instead, pray for them that they will have peace of mind, and I hope they are doing well inside," aniya.
"From the bottom of my heart, thank you all for your support, for all your lovely messages, and for believing in me."
"I appreciate you all; you stayed with me from the start until the end."
"While no outcome can undo the harm caused, but I hope that this will reinforce the importance of respect and equality for all."
"Time to heal and move on to the next chapter."
"Please be kind; it's free," aniya pa.
Maki-Balita: Guilty sa racial assault! Mag-asawa, himas-rehas sa loob ng 8 linggo dahil sa pagmaltrato ng Pinay nurse
MENSAHE SA MGA KAPWA OFW
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Apple, nag-iwan naman siya ng mensahe para sa mga kapwa niya Overseas Filipinos na nakararanas ng pangmamaltrato o racial discrimination mula sa ibang lahi.
Aniya, wala raw dapat katakutan at ipaglaban ang tama, basta't susuportahan ito ng mga matibay na ebidensya.
"I think they need to stand firm and fight if alam nilang nasa tama sila and dapat samahan ng evidence," aniya.
"If wala ako no'n, I don't think I would have won the case," saad pa niya.