Arestado ang isang 34-anyos na babae matapos umanong mahulihan ng ilegal na droga habang bibisita sa kaniyang nakakulong na asawa sa Cagayan de Oro City noong Sabado ng umaga, Abril 18, 2026.
Ayon sa mga awtoridad, nagpunta ang babae sa male dormitory ng Cagayan de Oro City Jail sa Barangay Lumbia upang dalawin ang kaniyang asawa.
Gayunman, sa isinagawang inspeksyon ng mga jail personnel, napansin umano ang kahina-hinalang indikasyon sa maselang bahagi ng katawan ng bisita. Dahil dito, sumailalim siya sa mas masusing pagsusuri.
Ayon pa sa pulisya, pumayag ang babae na sumailalim sa strip search kung saan natuklasan ang hinihinalang shabu.
Tinatayang nasa 12 gramo ng ilegal na droga ang nakumpiska, na may halagang humigit-kumulang ₱82,000.
Bukod dito, may narekober ding drug paraphernalia at ilang sigarilyo mula sa suspek.
Agad na inaresto ang babae at kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa pinanggalingan ng droga at kung may iba pang sangkot sa insidente.