Ang Pilipinas ay isang bansang punong-puno ng paniniwala—sa kaarawan, sa kasalan, sa mga okasyon at mga pagdiriwang, at maging sa kamatayan.
Maraming paniniwala’t kultura sa kung ano-anong mga bagay.
Ngunit isa na marahil ang usapin ng katatakutan sa mga pinakamaraming pamahiin ang mga Pinoy.
Sabi nila, huwag daw iihi basta-basta kung saan-saan, baka raw may nakatirang mga duwende o nuno.
May iba naman, naniniwalang huwag daw basta magputol ng puno dahil baka may kapreng nakatira dito.
Pero may isang paniniwala na hindi man pinaniniwalaan ng lahat, ay tiyak at siguradong alam ng karamihan—ito ay ang pagiging takot ng mga umano’y aswang sa gulay na bawang.
Ano nga ba muna ang aswang?
Ayon sa depinisyong mababasa sa pahinang “Tagalog,” ang aswang ay nilalang mula sa alamat ng Pilipinas, na may kakayahang magpalit-anyo at kumain ng tao, lalo na ang mga bata at fetus; kinatatakutan, at itinuturing na masamang espiritu.
Ngunit bakit nga ba takot daw ang mga aswang sa bawang?
Ayon sa impormasyong inilatag ng pahinang “Dose of Disbelief,” nasa kultura na raw ng mga sinaunang Pilipino ang paniniwalang ito.
“Ancient Filipinos believed that garlic had the power to repel evil spirits and supernatural creatures like the aswang. Bundles of garlic were often hung in doorways and windows to keep these malevolent beings at bay,” mababasa sa pahina.
Anila pa, ipinapahid din daw ng mga tao sa kanilang balat ang dinurog na bawang; dahil naniniwala silang ang matapang na amoy ng bawang ay isang mabisang panlaban kontra sa mga masasamang elemento.
“This practice was deeply rooted in folklore, where garlic was seen as a potent weapon against creatures of the night,” mababasa pa sa pahina.
Gayunpaman, ang mga ito ay pawang teorya, at hindi nakabase sa katotohanang pangkalahatan.
Katotohanan tungkol sa gulay na bawang
Ayon sa WebMD, ang bawang ay isang gulay na mabisa sa “heart” at “blood system” ng tao.
Madalas din daw itong gamitin panlaban sa diabetes, high blood pressure, mataas na antas ng cholesterol sa katawan, at ang paninigas ng “arteries” ng tao.