Sa kulungan ang bagsak ng 82 taong gulang na lolo matapos niyang undayan ng saksak ang kaniyang 37-anyos na apo sa Cebu City.
Ayon sa mga ulat, nauwi sa pananaksak ang diskusyon ng maglolo na nag-ugat lang sa pagbubukas ng pintuan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, ikinagalit umano ng biktima ang matagal na pagbubukas ng pinto ng suspek kung kaya’t nagkasagutan na agad sila.
Bunsod nito, doon na raw kumuha ng kutsilyo ang suspek laban sa biktima. Subalit, batay sa kuha ng CCTV malapit sa labas ng kanilang bahay, makikita na nagpambuno pa ang dalawa hanggang sa labas ng bahay kung saan nagawa pang maagaw ng biktima ang kutsilyo sa suspek.
Ilang sandali pa, doon na raw nasaksak ng suspek ang kaniyang apo. Nagtamo ang biktima ng tama ng saksak sa kaniyang tiyan at nasa maayos na siyang kalagayan. Narekober din sa crime scene ang kutsilyong pinaniniwalaang ginamit ng suspek.
Samantala, naaresto naman ng mga awtoridad ang suspek na nasa kusotdiya na nila at nahaharap sa kaukulang kaso.