Sa lipunan kung saan halos lahat ng tao ay nagmamadali patungo sa kanilang destinasyon, nagiging bihira ang intensyonal na pag-eehersisyo at pagkilos upang mapanatiling malusog ang pangangatawan.
Katulad ng ibang gawain, ang pagpapanatili ng isang active lifestyle ay mahirap panindigan para sa marami dahil bukod sa hindi instant ang benepisyo nito, nakakapagod rin itong gawin.
Kaya ayon sa iba’t ibang pag-aaral, isa sa mga mainam na panimula sa isang aktibong lifestyle ay ang pagbibisikleta dahil sa pagiging low-impact exercise nito na maaaring ma-enjoy ng mga tao ng kahit anong edad.
Dahil dito, narito ang ilan sa mga benepisyo sa pangangatawan ng araw-araw na pagbibisikleta:
Epektibong pagbabawas ng timbang
Ayon sa iba’t ibang pag-aaral, ang palagiang pagbibisikleta ay nakatutulong sa malusog at maayos na pagbabawas ng timbang dahil nakatutulong ito sa pagsusunog ng taba sa katawan at pagbubuo ng muscles.
Bukod pa rito, sa pagbibisikleta,hanggang 300 calories kada oras ang nasusunog sa katawan mula sa moderate cycling.
Pagpapatibay ng mga binti
Dahil malaking bagay ang mga binti sa pagbibisikleta, nakatutulong ito sa pagpapatibay at pagpapalakas ng mga binti at kalamnan.
Dahil na rin dito, binanggit sa Arthritis Foundation na ang pagbibisikleta, kahit gamit ang stationary bikes, ay nakatutulong upang mabawasan ang sakit sa tuhod ng mga mayroong osteoarthritis.
Gayundin ang pagiging susi sa improvement ng mga kalamnan para sa mga taong mayroong rheumatoid arthritis.
Pagpapabuti ng lung health
Sa iba pang pag-aaral, ang pagbibisikleta ay nakatutulong sa lung capacity at pagpapatibay ng respiratory muscles.
Ito’y dahil ang palagiang pagbibisikleta ay nagreresulta sa mas malalim at kontroladong paghinga, na susi sa improvement ng oxygen intake at pagbuga ng carbon dioxide sa katawan.
Pagpapababa ng panganib ng cancer
Ayon naman sa pag-aaral ng Healthline, ang pagbibisikleta ay isang aerobic exercise na nakatutulong sa pagpapababa ng panganib at side effects ng ibang uri ng cancer, partikular ang breast cancer, katulad ng madaling pagkapagod o fatigue.
Pagpapabuti ng mental health
Isa pa sa mga positibong epekto ng pagbibisikleta ay ang improvement ng mental health at ilang kondisyon nito tulad ng depression, stress, at anxiety dahil sa endorphins o feel good chemicals ng katawan.
Bukod pa rito, dahil na rin sa pagbabago ng paligid na napupuntahan sa pagbibisikleta, fresh air, ang pagbibisikleta ay nagsisilbing meditasyon na kinakailangan ng pagiging alerto sa nangyayari, na nakatutulong sa pagpapakalma ng isipan.